ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pagpatay sa mga alkalde at bise alkalde sa bansa, susuriin ng ‘Reporter’s Notebook’


KILLER: UNKNOWN
ULAT NINA MAKI PULIDO AT JUN VENERACION
JULY 12, 2018

Sa loob ng isang linggo, dalawang alkalde at isang bise alkalde ang pinatumba ng mga hindi pa rin nakikilalang hitman. Iba’t ibang motibo ang tinitingnan ng Philippine National Police.

Sa mga kuha ng cellphone at CCTV, makikita kung paano pinaslang si Tanauan City Mayor Antonio Halili. Sa kalagitnaan ng pag-awit ng Lupang Hinirang, isang bala ang tumama sa kaniyang dibdib. Isinugod pa sa ospital si Mayor Halili pero idineklara na siyang dead on arrival.

Kinapanayam ng Reporter’s Notebook ang isang marksman o bihasa sa paghawak ng baril para malaman kung anong kasanayan ang posibleng meron ang gunman na nagsagawa ng pagpaslang. Ipinakita rin ng eksperto ang klase ng balang maaaring nakapatay sa alkalde.

Sa sumunod na araw, July 3, 2018, isa na namang pananambang sa isang alkalde ang nakunan ng video. Sa CCTV footage, makikita ang pagbaril at pagpatay ng mga hindi pa rin nakikilalang gunman kay Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija. Isang grupo naman sakay ng motorsiklo ang nagsagawa ng pagpatay sa alkalde.

July 7, 2018, nakunan din ng CCTV kung paano namang pinatay si Vice Mayor Alexander Lubigan ng Trece Martires City, Cavite. Mga gunmen sakay ng isang SUV ang pumatay sa Vice Mayor.

Iba-iba man ang maaaring naging motibo sa pagpatay, ang malinaw ay may mga gun-for-hire gamit ang iba’t ibang modus na kasalukuyan pa ring “at large” o hindi pa nahuhuli.

Kabilang ngayon sa libo-libong napatay ng mga “unknown assailants” ang tatlong lokal na ehekutibo. Natutukoy nga ba ng pulisya ang mga nasa likod ng pagpatay? Ilan sa mga sangkot sa pagpaslang ang natunton at nahuli na ng mga otoridad?

Abangan ang “KILLER: UNKNOWN” ngayong July 12, 2018, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--"Reporter’s Notebook" pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

Tags: plug