ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga hindi nagagamit na barangay health station, binisita ng 'Reporter's Notebook'


 

PERA NATIN ‘TO:
BARANGAY HEALTH STATIONS
ULAT NINA MAKI PULIDO AT JUN VENERACION
JULY 19, 2018

 


Mula 2010 hanggang 2018, taon-taon ay tumataas ang inilalaang budget ng gobyerno sa Department of Health o DOH. Pero kamakailan, isang multi-billion peso project ng nakaraang administrasyon ang natuklasang hindi natapos at kwestiyonable diumano ang pagpapatupad: ang proyektong pagpapatayo ng mga Barangay Health Station o BHS. Target daw ng dating pinuno ng DOH na si Sec. Garin: makapagtayo ng 5,200 na BHS na may kabuuang halagang 8.1 billion pesos. Ang halaga ng bawat BHS, nasa 1.5 million pesos.

Ang ilan sa mga barangay health station, nadatnan naming nakatengga at hindi ginagamit. Ang BHS sa Divisoria Elementary School sa Mexico, Pampanga, halos dalawang taon nang nakatiwangwang ayon sa principal na nakausap namin. Ganito rin ang sitwasyon ng isa pang BHS sa Culubasa Elementary School sa Mexico, Pampanga. Malaki ang panghihinayang ng mga residente dahil malaking tulong sana sa kanila ang health station.



Sa Metro Manila, ilan pang BHS ang napuntahan ng Reporter’s Notebook kabilang na ang nasa Rosa Susano Elementary School sa Novaliches, Quezon City. Nang pasukin namin ang BHS, may mga tulo na ang bubong at natutuklap na ang sahig nito.



Ang isa pang BHS sa GSIS Village Elementary School sa Sangandaan, Quezon City, ginawa munang isang principal’s office sa pahintulot na rin daw ng DepEd.



Ang isa namang Barangay Health Station sa Lipa, Batangas, hindi pa man nagagamit, giniba na para magpatayo ng isang school gymnasium.



Base sa dokumentong nakuha ng Reporter’s Notebook mula sa contractor ng proyekto na JBros Construction Corporation, 1.2 billion pesos ang paunang bayad na natanggap nila mula sa DOH. Pero kinailangan raw nilang i-terminate ang proyekto dahil sa hindi pagkakasundo ng DOH at ng JBros. Kaya naman sa kasalukuyan ay nakatengga ang mga natapos nang BHS. Natuklasan rin ng Reporter’s Notebook na ang materyales para sa pagpapatayo ng iba pang barangay health station, kasalukuyang nakatiwangwang sa mga warehouse ng contractor. Ito ngayon ang sinisingil ng contractor mula sa DOH.

Bakit nga ba nagkaganito ang bilyong-pisong proyekto?