ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Isa sa pinakamahirap na bayan sa bansa, pinuntahan ng 'Reporter's Notebook'


SILANG PINAKAMAHIRAP
2-PART SPECIAL REPORT
SIMULA NA NGAYONG AUGUST 9, 2018

Paano ka nga ba mabubuhay kung salat sa lahat ng bagay? Bibisitahin ng "Reporter’s Notebook" ang itinuturing na isa sa mga pinakamahirap na bayan sa Pilipinas. 

Sa lugar kung saan ang mga may karamdaman, inaabutan na lang daw ng kamatayan.

Sa unang bahagi ng aming special report, kukumustahin ang buhay ng mga residente ng bayan ng Silvino Lubos, sa Northern Samar. 

Bago marating ang lugar, matinding kalbaryo ang kailangang pagdaanan. Matarik, lubak-lubak at maputik ang kalsada. Kailangan ding sumakay ng bangka papunta sa mismong Poblacion.

Sa may pantalan ng Silvino Lubos, nakilala ng Reporter’s Notebook ang sampung taong gulang na si Jules kasama ang kanyang mga kaibigan. Nagbubuhat sila ng mga bagahe ng mga papasok sa kanilang bayan kapalit ng lima hanggang sampung piso.

Matipid magsalita si Jules, pero paulit-ulit niyang binabanggit ang nararanasang hirap at gutom ng kanilang pamilya.

Kamamatay lang pala ng tatlong taong gulang na kapatid ni Jules na si Ivan isang araw bago kami dumating. Kwento ng lolo ni Jules na Lolo Juanito, bigla na lang nahirapang huminga at nanilaw ang mga mata ni Ivan. 

Dinala nila ang bata sa kanilang rural health unit pero paracetamol lang ang naibigay sa bata. Hindi na rin siya naisugod sa ospital dahil sa kawalan ng pera. Ang malungkot, wala rin silang pambili ng ataul para kay Ivan kaya ibinalot na lang sa kumot ang bata.

Nalaman naming hindi lang pala si Ivan ang namatay na kapatid ni Jules. Taong 2003, namatay din ang noo’y tatlong buwang gulang niyang kapatid sa hindi na nalamang dahilan. Hindi na rin siya nadala sa ospital. Bukod sa kakulangan sa health services, wala ring kuryente sa lugar. Problema rin ang kabuhayan para sa ilang residente. 

Kawalan ng pondo ang itinuturong dahilan kung bakit kulang ang mga basic service o pangunahing serbisyo para sa mga residente ng Silvino Lubos. 

Pero natuklasan ng "Reporter’s Notebook" na ang ilang proyekto sa lugar na pinondohan ng milyon-milyong piso gaya ng kalsada, tulay, at eskwelahan, ngayo’y nakatengga at hindi pa rin natatapos.

Abangan ang unang bahagi ng aming special report, “SILANG PINAKAMAHIRAP” ngayong August 9, 2018, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

Tags: plug