ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Dengue epidemic sa bansa, tatalakayin sa Reporter's Notebook


8-TIME NYF WORLD MEDALIST
2018 USIFVF SILVER SCREEN AWARDEE

DENGUE EPIDEMIC
September 5, 2019

Hindi mapatahan sa kakaiyak ang apat na buwang gulang na si baby Keith Sipat habang karga ng kanyang Lola Rowena. Si baby Keith ang pinakabatang pasyenteng may dengue sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires, Cavite. Pero wala sila sa loob ng ward. Dahil sa sobrang dami ng pasyenteng may dengue rito, kinailangan nang ipwesto si baby Keith kasama ng iba pang may-sakit sa loob ng chapel ng ospital.


 

Maging ang lobby ng ospital, nilagyan na rin ng mga hospital bed para sa mga pasyente.



Dahil kulang ang suplay ng platelets sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital, napipilitan ang mga kaanak ng mga pasyente na maghanap ng ibang blood bank. Si Aling Rowena, bumibiyahe pa ng tatlong oras papuntang Sta Cruz, Laguna para makabili ng platelet para sa kanyang apong si baby Keith. Nitong Sabado, naging kritikal ang kondisyon ng sanggol.



Nasa pagitan ng 150,000 hanggang 450,000 per microliter ang normal platelet count ng isang tao, pero nitong Sabado bumaba sa 10,000 per microliter ang platelet count ni baby Keith kaya kinailangan siyang salinan agad ng dugo. Dahil namamaga na ang mga kamay ng sanggol, kinailangang ilipat sa paa ang kanyang suwero.



Dahil din sa pagdami ng mga pasyente sa Pagamutan ng Dasmariñas, naglagay na ng isang dengue emergency medical unit o tent mula sa Red Cross. Fully airconditioned ang tent na may dalawampu’t apat na bed capacity. Labing-siyam ang naka-admit dito ngayon.



Sa San Lazaro Hospital sa Maynila, ginamit na rin maging ang pasilyo ng hospital mapagkasya lang ang mga pasyente.



Sa datos ng Department of Health, umabot na sa 229, 736 ang bilang ng mga may dengue sa bansa mula January hanggang August 2019. Doble ito ng bilang ng mga nagkaroon ng dengue sa parehong panahon noong 2018 na umabot sa 110, 970. Umabot na rin sa 958 ang bilang ng namatay, halos doble rin ng bilang ng mga nasawi noon 2018 na umabot sa 582. Dahil dito, nagdeklara na ng national dengue epidemic nitong Agosto.

Abangan ang kabuuang ulat ngayong September 5, 2019 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.