ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga OFW na walang trabaho sa Hong Kong, binisita ng 'Reporter's Notebook'


8-TIME NYF WORLD MEDALIST
2018 USIFVF SILVER SCREEN AWARDEE

JOBLESS IN HONG KONG
September 19, 2019

 



Sa Central, Hong Kong, naabutan naming bitbit ni Virgie Lazaro ang kanyang maleta. Isang araw bago namin siya makilala, natanggal si Virgie sa kaniyang pinapasukan bilang household helper. Ayon sa kanyang amo, hindi siya physically fit para sa trabaho. At dahil wala nang trabaho, kailangan niyang maghanap ng apartment na matutuluyan.

Dagdag isipin para kay Virgie ang ipapadala niyang pera para sa pamilya sa Pilipinas. Kaya walang inaksayang oras si Virgie. Pumunta siya agad sa isang employment agency para makahanap ng bagong amo. Kailangan niyang magmadali dahil dalawang linggo lang ang palugit bago makansela ang kanyang working visa.



Ang ilan sa mga OFW sa Hong Kong na nawalan ng trabaho, tumutuloy ngayon sa Bethune House, isang shelter ng non-government organization na Mission for Migrant Workers.



Isa sa mga OFW rito si Jackie na pinagbintangang nagnakaw sa kaniyang amo. Nakulong siya ng apatnapung araw pero napawalang-sala rin. Nagdemanda si Jackie sa kanyang amo ng monetary claims sa mga buwang nakulong siya at nawalan ng trabaho. On-going pa rin ang kaso hanggang ngayon.



Ang OFW naman na itatago namin sa pangalang “Anna”, masaklap ang sinapit sa kamay ng kanyang amo. Sa mga larawang ibinigay niya sa amin, makikita pa ang mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan dala raw ng pananakit ng amo. Nagawang makatakas ni Anna at sa tulong ng ilang kaibigan, nakarating siya sa Bethune House. Nagsampa rin siya ng kasong physical assault and damage laban sa kanyang employer.



Matapos ang dalawang linggo ng paghahanap ng bagong amo, bigo si Virgie. Kaya kinailangan na niyang bumalik sa Pilipinas matapos ang dalawampung taon na pagtatrabaho sa Hong Kong. Sa ngayon, panibagong pagsubok kay Virgie kung paano tutulungan ang pamilya.



Nasa 2.3 milyon ang bilang ng OFWs sa buong mundo ayon sa Philippine Statistics Authority. Ang OFW remittance na umabot sa 32.21 billion dollars noong 2018 ang pinakamalaking contributor sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Pero sa kabila nito, nanatili silang isa sa pinakamahirap na sektor sa ating lipunan.



Abangan ang kabuuang ulat ngayong September 19, 2019 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.