ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Reporter's Notebook

Mga kuwento sa gitna ng pagyanig sa North Cotabato


SA GITNA NG PAGYANIG
November 14, 2019

 



Buwan ng Oktubre nang magsimula ang sunud-sunod na paglindol sa Mindanao. October 16, tumama ang magnitude 6.3 earthquake sa Tulunan, North Cotabato. Nasundan pa ito ng ilan pang pagyanig sa parehong epicenter.

Sa Daig Elementary School sa Tulunan, North Cotabato kung saan naitala ang sentro ng lindol, sinagip ang ilang estudyanteng nabagsakan at natrap sa gumuhong classroom.



Sa gitna ng gulo, nabuhay ang kabayanihan. Si teacher Chyna Via, isa-isang ginamot ang mga estudyante kabilang na ang grade 4 student na si Iralyn Gula.

Halos dalawang linggo matapos ang paglindol, hinanap namin si teacher Chyna. Sinamahan niya kami sa classroom kung saan siya dating nagka-klase. Wasak na ang mga silid-aralan.



Dahil sa tindi ng tinamong sugat, kailangang sumailalim sa reconstructive surgery sa kanyang mukha si Iralyn. Naka-admit siya ngayon sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.



Ang malungkot, matapos ang halos dalawang linggo, wala raw maayos na evacuation center sa lugar nina teacher Chyna. Dahil dito, kanya-kanya na sila sa pagtatayo ng mga tent.



Nabibigyan naman daw sila ng relief goods. Pero malaking tulong kung may maayos at matibay din silang temporary shelter.



Kung sa pagtama ng magnitude 6 na lindol, gumuho na ang ilang gusali sa Mindanao, paano pa raw kapag nangyari na ang the big one dito sa Metro Manila kung saan mas marami ang mga gusali at imprastraktura?



Ang mga fault line ay malalaking bitak sa lupa na kapag gumalaw ay maaaring magdulot ng pagyanig sa ibabaw nito. Ang west valley fault ay may habang siyamnapung kilometro na tumatagos mula sa Bulacan hanggang sa Laguna.



Binaybay namin ito hanggang sa makarating kami sa bahay ni mang Claro Lorenzo sa Barangay San Francisco, Biñan, Laguna.



Sa harapan ng bahay makikita ang isang active fault marker na inilagay ng Biñan City Disaster Risk Reduction and Management Office. Taong 1990 pa raw tumira sa bahay na ito sina Mang Claro, panahon na hindi pa sinasabi sa kanila na dadaanan ng fault ang lugar nila.



Taong 2000 nang magsimulang magkaroon ng bitak ang iba’t-ibang bahagi ng bahay. Dahil sa takot, sa labas na ng bahay natutulog ang mag-asawa. Ang ilang kalsada sa barangay nina Mang Claro, apektado rin ng paggalaw ng fault system

Abangan ang kabuuang ulat sa “SA GITNA NG PAGYANIG” ngayong November 14, 2019 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.