ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga natatanging kuwentong OFW, tampok sa 'Reporter's Notebook'


8-TIME NYF WORLD MEDALIST
9-TIME USIFVF AWARDEE
2019 ASSOCIATION FOR INTERNATIONAL BROADCASTING AWARDS-HIGHLY COMMENDED

 



BALIK-OFW
DECEMBER 12, 2019

 


Kahit pangatlong beses na siyang ihahatid ng pamilya sa airport, mahirap pa rin daw para kay Erlinda Manguera na iwan ang pamilya rito sa Pilipinas. Matapos ang isang linggong bakasyon, babalik na siya sa Thailand kung saan magtatatlong taon na siyang nagtatrabaho bilang teacher. Bago magdesisyon na mangibang bansa noong 2016, dalawampu’t pitong taon siyang nagturo sa private at public school sa Pilipinas.



Sa Bangkok, Thailand, sa isang public school nagtuturo ngayon si Teacher Erlinda. Kung sa Pilipinas sumusweldo siya ng 20,000 kada buwan, sa Thailand, 30,000 baht o higit 40,000 pesos ang entry level salary niya. Sa eskuwelahan ni Teacher Erlinda, kumpleto rin ang benepisyo ng mga guro. Nung minsang ma-ospital siya dahil sa high blood, ni singko ay wala raw siyang inilabas.



Pero kahit daw naging mas komportable ang buhay ng pamilya dahil sa pagiging OFW, nalulungkot pa rin daw si Teacher Erlinda na hindi mga batang Pilipino ang tinuturuan niya.



Sa Hong Kong, nakilala naman namin si Emma Ladiana. Kahit may stage 2 breast cancer, hindi niya ito iniinda. Diretso pa rin siya sa pagtatrabaho bilang isang household helper sa Hong Kong.



2018 nang matuklasan ang kanyang sakit. Pero kahit may cancer, hindi kinansela o tinerminate ng kanyang mga amo ang kontrata ni Emma. At dahil may kontrata, hawak pa rin ni Emma ang kanyang Hong Kong ID. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng benepisyo gaya ng murang pagpapagamot.



Sa Central, Hong Kong, naabutan naming bitbit ni Virgie Lazaro ang kanyang maleta. Isang araw bago namin siya makilala, natanggal si Virgie sa kaniyang pinapasukan bilang household helper. Ayon sa kanyang amo, hindi siya physically fit para sa trabaho. Bumalik ng Pilipinas si Virgie. Umuwi siyang walang ipon.



Nang kumustahin ng Reporter’s Notebook si Virgie, nalaman naming namasukan siya rito sa Pilipinas bilang isang kasambahay at labandera. Pero hindi pa rin sasapat ang kaniyang kita para matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kaya mahirap man ang pinagdaanan sa ibang bansa, nagpaplanong bumalik na sa pagiging OFW si Virgie.

Abangan ang “BALIK-OFW” ngayong December 12, 2019 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.