ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Paano naapektuhan ng pandemya ang mga manggagawang Pinoy?


 


 

DALAWANG MUKHA NG MANGGAGAWA
HUWEBES, FEBRUARY 18, 2021
11:30 PM SA GMA-7

Sa gitna ng pandemya, patuloy pa rin ang pagkayod ng marami. May mga nagtatrabaho sa bahay o work from home at may mga kailangan pa ring makipagdigmaan sa kalsada papasok ng trabaho. Ngayong mag-iisang taon na ang COVID-19 pandemic, paano nga ba binago nito ang buhay ng maraming manggagawa?

 


 

Alas kuwatro pa lang ng madaling araw, umpisa na ng biyahe ni Eduardo Sinlao, 35 taong gulang. Magdadalawang buwan nang nagtatrabaho bilang housekeeper sa isang condominium sa Katipunan si Eduardo. Dahil sa traffic at dami ng kailangang sakyan, inaabot ng tatlong oras ang biyahe niya papasok ng trabaho mula Novaliches hanggang Katipunan, Quezon City.

 

 

Pagdating sa condominium, diretso na sa trabaho si Eduardo. Ang 41 taong gulang naman na si Jerrylyn Sundian, umpisa pa lang ng araw. Work from home bilang isang call center agent si Jerrylyn. Bago magsimula sa online work, ihahanda muna ni Jerrylyn ang pananghalian ng pamilya.

 

 

Malaki ang epekto ng work from home set-up kay Jerrylyn. May mga pagkakataon kasing nawawalan siya ng internet connection kaya natitigil ang trabaho. Bawas daw ito sa kanyang suweldo. Si Eduardo naman dating security guard sa isang electronics store pero natanggal siya sa trabaho sa gitna ng pandemya. Anim na buwan siyang natengga bago matanggap sa condominium.

 

 

Oras ng pananghalian, break muna si Eduardo. Pero si Jerrylyn, pinagsasabay na ang pagkain sa trabaho.

 

 

Pagpatak ng alas kwatro ng hapon, tapos na ang trabaho ni  Eduardo, sasabak na naman siya sa matinding byahe pauwi. Matapos naman ang duty sa call center ni Jerrylyn, diretso siya sa pagtitinda ng mga pre-loved items gaya ng bag at stuffed toy online.

 

Pag-uwi sa bahay, nadatnan ni Eduardo ang mga anak na gumagawa ng module. Mahirap ngayon dahil pinaghahati-hatian ng tatlong anak niya sa elementary ang dalawang cellphone para sa kanilang online class. Si Jerrylyn, tinutulungan din ang isang anak sa paggawa ng module.

 

 

Abangan ang “DALAWANG MUKHA NG MANGGAGAWA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, February 18, 2021 11:30 PM sa GMA-7 pagkatapos ng Saksi.