Paano mapoprotektahan ang mga menor de edad mula sa pang-aabuso at maagang pagbubuntis?
REPORTER'S NOTEBOOK: BATANG INA
HUWEBES, FEBRUARY 25, 2021
11:30 PM SA GMA

Sa gitna ng pagpapatupad ng community quarantine sa bansa, inaasahang tataas din ang bilang ng mga batang ina ayon sa University of the Philippines Population Institute at United Nations Population Fund. Pero ang mas nakababahala, marami sa mga kaso ng teeenage pregnancy, mga lalaki edad dalawampu hanggang walumpu ang ama. May ilang menor de edad na nabuntis matapos makaranas ng pang-aabuso.

Maaga pa lang, gising na ang labing-apat na taong gulang at grade 7 na si Sheena, hindi niya tunay na pangalan. Pero bago niya pag-aralan ang module niya, inuuna ni Sheena ang pagtitimpla ng gatas para sa kanyang isang buwang gulang na sanggol. Si Sheena kasi ay isang batang ina.


April 2020 o isang buwan mula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa nang mabuntis siya. Labingtatlong taong gulang noon si Sheena. Ang kanyang nobyo na itatago namin sa pangalang Aaron, dalawampung taong gulang, ang ama ng sanggol. Nagalit man noong una ang ina ni Sheena sa nangyari sa kanya, wala na itong nagawa kundi tanggapin ang kondisyong ng anak.

Kahit pa nabuntis at nagkaanak, desidido si Sheena na makapagpatuloy ng pag-aaral.

Ang nakababalaha, ang ilan sa mga batang ina, nabuntis matapos makaranas ng pang-aabuso. Agaw-buhay sa isang ospital sa Panglao, Bohol ang labing-anim na taong gulang na si Ronalyn, hindi rin niya tunay na pangalan. Nito lang February 11, nagsilang ng kanyang sanggol ang dalagita pero isang linggo matapos manganak, kinailangang isugod sa ospital si Ronalyn.

May sakit sa pag-iisip si Ronalyn kaya hirap din siyang magsabi kung ano ang pinagdaanan niya. Hindi nagtagal, napaamin ng mga kaanak si Ronalyn na may gumahasa sa kanya. Ang itinuro niyang nang-abuso sa kanya, ang kanilang tiyuhin. Inaresto ang suspek at sinampahan ng kasong statutory rape.

Habang patuloy na nagpapagaling si Ronalyn sa ospital, ang kapatid muna niya ang nag-aalaga sa sanggol. Kailangan nila ngayon ng tulong para sa pagpapagamot ni Ronalyn at pantustos sa pangangailangan ng bata.
Abangan ang kanilang kuwento sa “BATANG INA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, February 25, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.