ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Paano mapoprotektahan ang karapatan ng mga aso?
ASONG GALA
MARCH 18, 2021


Sa mga kalye, hinuhuli ang mga asong pagala-gala. Iniipon sila para dalhin sa dog pound. Pero sa ibang pagkakataon, ang panghuhuli sa aso, nauuwi sa karahasan. Paano masisigurong mapoprotektahan ang karapatan ng mga bantay?


May misyon ang mga dog catcher ng Barangay Payatas, Quezon City na sina Feliciano at Alijandro.

Nanghuhuli sila ng mga asong gala at wala nang may-ari, mga asong may among nag-aalaga pero napabayaang makalabas o makawala ng bahay at mga asong kusang pinapalabas sa kalye ng may-ari para madala sa dog pound.

Kung ang ibang aso sadyang pinahuli sa dog catchers, si Jonaliza, nakiusap na ibalik ang kanyang nahuling aso. Pero kailangan niyang kunin ito sa dog pound.

Makalipas ang maghapon na pag-iikot sa barangay, nakahuli sina Feliciano at Alijandro ng sampung aso. Agad dinala ang mga ito sa dog pound ng barangay.

Sabi ng administrator ng Barangay Payatas, sapat lang ang budget ng dog pound nila sa sweldo ng mga dog catcher. Kaya madalas, hirap silang ibigay ang kailangan ng mga nahuling aso gaya ng pagkain at gamot.

Nananatili lang ng isang linggo ang mga aso dito sa barangay dog pound. Kapag walang nag-claim sa mga aso, dadalhin sila sa Quezon City pound kasama ang iba pang aso mula sa iba’t-ibang barangay. Nakasaad sa Animal Welfare Act na kapag malala na ang sakit ng aso sa pound o kung walang nag-claim o nag-adopt sa mga aso sa pound sa itinalagang holding period, pwede na silang isailalim sa euthanasia.

Para matulungan ang mga aso sa dog pound, ilang non-government organization o NGO ang bumibisita sa kanila.

Sinamahan namin ang Animal Kingdom Foundation o AFK sa San Mateo dog pound para sa isang medical mission. Ang kanilang target, mabakunahan at ma-check up ang mahigit isang daang aso sa dog pound.

Pero hindi lahat ng asong gala napupunta sa mga dog pound. Sa CCTV video na ito, nakunan ang paghataw ng ilang lalaki sa isang pagala-galang aso. Matapos paghahampasin, tuluyang namatay ang aso. Ang mga sangkot sa pagpatay sa aso, napag-alamang mga tauhan ng barangay.

Abangan ang “ASONG GALA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, March 18, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.
More Videos
Most Popular