Kani-kaniyang community pantry, nagsulputan sa iba’t ibang lugar sa bansa
MESA NG PAG-ASA
APRIL 15, 2021


Sa ilalim ng isang tulay sa Project 8, Quezon city, nakatira ang pamilya ni India Indita, 26 taong gulang. Kasama ni India rito ang tatlong anak at apat pang kamag-anak. Dito na sila tumira mula nang masunugan sila, sampung taon na ang nakararaan. Pangangalakal ng basura ang hanapbuhay nina India. Inaabot daw sila noon ng hanggang madaling araw para maghanap ng basurang pwedeng ibenta. Pero ngayong mas mahigpit ang community quarantine sa NCR plus, hindi muna sila pwedeng magpaumaga sa daan. Kwento ni India, noong kasagsagan ng lockdown, halos hindi na sila makakain.

Kaya laking tuwa raw nina India nang nabalitaan nilang may nagbibigay ng libreng pagkain. Sa lamesang ito, may bigas, noodles, delata, itlog at gulay – lahat dito libre.

Ang siste: kahit sino puwedeng kumuha ayon sa pangangailangan. Habang ang iba naman ay puwedeng mag-iwan ng donasyon depende sa kakayahan.

Isa ito sa mga “community pantry” na nagsulputan sa iba’t ibang sulok ng Metro Manila at iba pang probinsya. Ang inspirasyon nila: ang unang community pantry sa Maginhawa Street sa Quezon City.

Sa isang simpleng mesa sa Maginhawa Street, nagsimula ang maliit na community pantry ni Ana Patricia Non. Ipinost sa social media ang letrato nito at nagviral. Dito na nagsimulang dumami ang mga nagbigay ng donasyon. Humaba rin ang pila ng mga nanghihingi ng pagkain. Hanggang sa dumami na nang dumami ang mga nakakuha ng inspirasyon para magtayo ng sarili nilang community pantry sa kanilang mga lugar.

Ang community pantry nagkaroon na rin ng innovation. Sinimulan naman ng grupo ni Edren Llanillo ang pantry bike o pantry on wheels.


Nag-iikot sina Edren sa mga barangay sa Bugallon, Pangasinan. Ang misyon nila, mamigay ng libreng pagkain sa mga nangangailangan sa mismong bahay nila.

Bukod sa libreng pagkain, nagbibigay din sina Edren ng libreng healthcare services.

Sa Biri, Northern Samar, kahit binagyo nito lang linggo ang magkaibigang Mary Joy at Maria, nagsimula sila ng community pantry sa kanilang barangay. Isang public school teacher si Mary Joy, 33 taong gulang at LGU employee naman sa Maria, 42 taong gulang.


Mahalaga ang ayuda para sa maraming Pilipino lalo na’t sa huling survey na inilabas ng Social Weather Stations o SWS, 16 percent ng mga tinanong nila o apat na milyong pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng involuntary hunger mula October hanggang December 2020.
Abangan ang buong kuwento ng “MESA NG PAG-ASA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, April 22, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.