'Maskara at mascot' at 'padyak ni Lolo Romeo,' tatalakayin ngayong Linggo sa Reporter's Notebook

2021 NEW YORK FESTIVALS BRONZE WORLD MEDALIST
9:15PM SA GTV
MASKARA AT MASCOT
Sa isang barangay sa San Pedro Laguna, usap-usapan ang isang bahay. Dahil bukod sa pamilyang nakatira rito, may mga kasama raw silang mga nagbabago ng anyo?!

May tila halimaw, may matatalim na pangil at iba pang kakaibang nilalang. Ang mga nakakatakot na maskara, mga obra pala ng special effects artist na si Rene Abelardo. Gumagawa sina Rene ng mga prosthetics na ginagamit sa mga pelikula at maging sa telebisyon.

Pero noong nagsimula ang pandemya, kabilang ang industriya ng pelikula at telebisyon sa pinakanaapektuhan. Pansamantala kasing tumigil ang kanilang mga produksyon.

Pero sa halip na isara ang pagawaan ng prosthetics, nag-isip ng paraan si Rene. Sinimulan niya ang paggawa ng mga kakaibang facemask na talaga namang work of art. May mga facemask na pang horror, mga mask na mukha ng mga artista at mask ng hango sa iba’t-ibang cartoon character.

Sa Cavite naman, isang human teddy bear ang nagbibigay sorpresa at saya sa iba’t ibang tao.

Gaya na lang ng sorpresa ng isang anak na overseas Filipino worker o OFW sa kanyang ina dito sa Pilipinas. Sa tulong din ni Bubba Bear, nabigyan ng regalo ng isang inang OFW ang kanyang anak na may birthday dito sa bansa. At maging magkasintahang may long distance relationship, tila pinaglapit ni Bubba Bear!

Ano ang kwento sa likod ng mga maskara at mascot na ito?
PADYAK NI LOLO ROMEO


Sa kabila ng katandaan at mahinang pangangatawan, araw-araw na nakikita ang 70 taong gulang na si lolo Romeo Pagapulaan na naglalako ng itlog sa Quezon City gamit ang isang lumang bisikleta. Kada tray ng itlog, nakukuha niya ng 158 pesos sa bagsakan. Naibebenta naman niya ito ng 200 pesos kada tray.


Tubong Cagayan de Oro City si Lolo Romeo. Taong 1972 nang lumuwas siya dito sa Maynila para maghanap ng trabaho. Wala siyang kapatid at wala rin siyang asawa’t anak. Nangungupahan at nabubuhay mag-isa si Lolo Romeo. Kaya kung hindi raw siya magbabanat ng buto, hindi siya mabubuhay.

May benepisyo ba siyang pwedeng matanggap mula sa pamahalaan?
Abangan ang mga kwentong ito sa Reporter’s Notebook sa bago nitong araw Linggo, February 6, 2022 9:15pm sa GTV.