Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Wanted: Scammer' at 'Mukbang: Behind the screen,' tatalakayin ngayong Linggo sa Reporter's Notebook


 


WANTED: SCAMMER
FEBRUARY 20, 2022 / LINGGO / 9:15PM SA GTV


Sa isang videong, makikita ang dalawang delivery rider habang binubugbog ang isang lalaki sa Recto, Maynila. Ilang saglit pa, dumating ang iba pang rider na sumuntok din sa lalaki. Ano ang puno’t dulo ng kanilang alitan?

 


Ang lalaking kinuyog, isa umanong scammer. Ayon sa isa sa mga delivery rider na nabiktima, kunwari ay magpapadeliver ang suspek ng isang package na nagkakahalaga ng 1,900 pesos. Pero kailangang abonohan muna ito ng rider at babayaran ang rider ng tatanggap ng item pero peke raw ang lugar at ang taong magre-receive ng package.

 

At kapag binuksan ang package, basahan lang ang laman nito. Dito na sila ibo-block ng scammer at hindi na maibabalik ang 1,900 pesos.


Sa Bukidnon, isang events photographer and videographer ang napahagulgol na lang sa labas ng kanilang bahay.

 

Ang dahilan ng kanyang pag-iyak, na-scam siya ng 46,000 pesos ng isang nagpanggap na nagbebenta ng gadget online.

Pero sa pag-iimbestiga ng Reporter’s Notebook, isang pangalan ang aming nahanap na posibleng konektado sa scammer. Sino ang lalaking nambiktima kay Christian Paul  at maibalik kaya sa kanya ang ninakaw na pera?

 

MUKBANG: BEHIND THE SCREEN

 

Sa laki ng kinikita ng ilang vlogger, marami ang naeengganyo na subukan ang ang mundo ng vlogging. At para makakuha ng maraming views, may ilang vloggers na umabot na sa pagkain ng mga  extreme at kakaibang putahe gaya na lang ng ipis, bulate at pati na rin ang mga tipaklong na ipinalaman sa tinapay.

 


Ito ang usong-uso ngayon na tinatawag na mukbang. Mula ito sa Korean words na “muknun” na ang ibig sabihin ay eating at “bangsong” na ang ibig sabihin naman ay broadcast. Pero sa likod ng nakakatakam at nakakagutom na mga videos ay ang hindi birong pinagdaraanan ng mga taong gumagawa ng mga mukbang vlog.

Isa sa mga food vlogger online si Diego. Ang kanyang menu noong araw na bisitahin namin siya, dalawang kilong chicharong bulaklak at bone marrow. Hitsura at tunog pa lang, talagang putok batok na.


Makalipas lang ang halos twenty minutes, simu’t sarap na ang mga pagkaing kanyang inihanda.


Kung si Diego wala raw nararamdaman pagkatapos ng kanyang mukbang video, si James Cuaresma na isa ring food vlogger, ilang beses nang nahilo, namanhid ang batok at kamay. May mga pagkakataon rin daw na nasuka siya matapos gumawa ng mukbang video.


Hanggang saan ang kaya nilang gawin sa ngalan ng likes and views?

Abangan ang mga kwentong ito sa Reporter’s Notebook sa bago nitong araw Linggo, February 20, 2022 9:15pm sa GTV.