ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Eksklusibong panayam ni Rhea Santos kay Sen. Lito Lapid sa 'Tunay na Buhay'
Bihira lang kung magpaunlak ng interview si Sen. Manuel “Lito” Lapid. Hindi tulad ng ilang mambabatas na bihasa sa pagharap sa media, kung minsa’y tila ilag pa nga sa camera ang nasabing Senador. Palaisipan ito kung tutuusin, dahil minsan siyang naging sikat at hinahangaang artista sa pelikula.
Naging tanyag si Lito Lapid sa role na “Leon Guerrero” at nakatambal pa ang ilang nagniningning na bituin gaya ni Vilma Santos. Kaya kataka-takang kung kailang naging Senador, saka pa siya naging mahiyain.
Pero sa natatanging pagkakataon, hindi lamang panayam kundi isang “tour” sa kanyang mansyon sa Pampanga ang pinahintulutan ni Sen. Lapid para sa programang “Tunay na Buhay.”
Sa kabi-kabilang sulok ng kanyang mansyon, makikita ang ilang pigurin ng kabayo. Ang kanyang “emblem” o simbulo, kung saan makikita ang initials niyang “M.L.” o Manuel Lapid, may mga kabayo rin. Maging ang Sto. Nino sa kanyang altar, nakasakay sa kabayo.
Malaking bahagi raw ng kanyang pagsikat noon bilang artista ang mga kabayo. “Parang 'yan din ang buhay ko eh, kasi kasama ko sila sumikat; parang ang pelikula ni Lito Lapid kapag walang kabayo, walang buhay,” aniya.
Pero kung gaano kainit ang pagtanggap ng mga tagahanga sa kanyang mga pelikula noon, tila ganoon din kabigat ang dagok sa kanya ng mga tumutuligsa matapos siyang maluklok sa puwesto.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami, lumaki sa hirap si Sen. Lapid at hindi siya nakatungtong ng kolehiyo. Pero hindi raw niya ininda ang mga naninira sa kanya. “Wala, tinatanggap ko na lang ‘yun, ‘yung batikos sa akin tinatangap ko na isang high school graduate nakarating ng ganito, na hindi marunong mag English,” sabi niya. “Lumaban ako nung una goberndor, eh ano daw ang gagawin ni Lito Lapid sa Kapitolyo?”
Mula sa pagiging extra sa pelikula, malayo na nga ang narating ni Senator Lito Lapid. Pero kamangha-mangha man ang tinatamasa niyang tagumpay ngayon, nananatili pa ring simple ang ilang aspeto ng kanyang buhay. Naikuwento pa nga niyang hanggang ngayon, nagkakamay pa rin daw siya kapag kumakain ng paboritong ulam. “Masarap, kaya lang nakakataba. Iiwasan mo ‘yan eh, kasi kapag pinisil mo ‘yung kamatis dudurugin mo sa itlog na maalat.”
Panoorin ang ilang tagpo mula sa eksklusibong panayam ni Rhea Santos kay Sen. Lapid:
—Arla Fabella/CM, GMA News I-follow ang "Tunay na Buhay" sa Facebook at Twitter. More Videos
Most Popular