Paalam Gary at Richie, hanggang sa muling pagtatanghal
For more stories of hope and triumph, watch “Tunay na Buhay” every Tuesday, 4:35 PM on GMA-7! You can also follow them on their Facebook and Twitter accounts. For updates on your favorite documentaries, follow also the official Facebook page of GMA Public Affairs.
Nito lamang nakaraang linggo, tuluyan nang nagsara ang telon para sa dalawang hinangaang personalidad – ang isa sa larangan ng musika at isa naman sa pinilakang-tabing – ang bokalistang si Gary Ignacio ng Alamid at ang komedyanteng si Ricardo Reyes o mas kilala bilang si Richie D’ Horsie.
Pumanaw ang 49-anyos na si Gary noong ika-17 ng Abril matapos ang mahigit walong buwan na pakikipaglaban sa kanser. Si Richie naman, sumakabilang-buhay sa edad na 58 noong araw ding iyon dahil sa komplikasyong dala ng diabetes, kidney failure at brain stroke.
Muli nating sariwain ang magagandang alaala nina Gary at Richie na parehong nagbigay ng inspirasyon sa ating lahat na magmahal, tumawa at higit sa lahat, maging masaya.
Frontman forever

Nakilala si Gary noong dekada ‘90 bilang bokalista at frontman ng bandang Alamid, na nagpasikat sa kantang “Your Love.”
At tila wala ngang hindi nakakaalam ng kantang “Your Love.” Bata, matanda, lalaki o babae, kahit na nga sino at kahit anong henerasyon, hindi man saulado, tiyak namang naka-relate sa kantang ito na isinulat ni Gary kasama ng kaniyang mga ka-banda.
Tubong Malabon si Gary. Panganay siya sa apat na magkakapatid. Nahiligan na niya ang musika noong bata pa lamang siya, ayon sa kapatid niyang si Gail.
“Ever since, music lang talaga ‘yung (passion) niya. Ako medyo nasa business side ako and kinukulit ko siyang mag-business din. Pero more on music talaga ang hilig niya, whatever happens music lang siya,” sabi pa ni Gail.
Musika rin ang naging daan upang mapasagot ni Gary ang kaniyang asawa na si Maria Buen. At bagama’t hindi naging madali ang kanilang mga pinagdaanan bilang magkasintahan at mag-asawa, pinagtagumpayan nila ang lahat ng pagsubok sa kanilang buhay. Biniyayaan sila ng tatlong anak.
“Isa siyang mabait na asawa. Malambing siya, maasikaso at saka maalalahanin. Kahit saan siya magpunta, lagi niya akong naalala pag umuuwi siya. ‘Yung lagi siyang may pasaubong sa amin,” pagsasalarawan ni Maria Buen.
Kasabay ng pagbuo niya ng pamilya ang pagsikat ng kanilang bandang Alamid. At ang kanilang kantang “Your Love,” hindi lang basta sumikat, umani pa ito ng parangal na “Song of the Year” noong 1995 sa prestihiyosong NU Rock Awards.
Mas matinding pagsubok
Matapos ang mahigit 20 taon nang pamayagpag ng Alamid, nawala sa limelight ang grupo. At nito ngang nakaraang taon, pagkatapos ng kaniyang US tour kasama ang iba pang sikat na mga bokalista ng mga banda, tinamaan ng matinding karamdaman si Gary.
Sa huling panayam ng programang “Kapuso Mo Jessica Soho” kay Gary nito lamang Pebrero, inakala ng singer na stroke ang dahilan ng kaniyang panghihina. Iyon pala, kanser sa buto na ang kaniyang karamdaman.
Mula noon unti-unti na raw bumagsak ang pangangatawan ni Gary. At ang dati niyang signature na long hair, unti-unti na ring nalagas.
Pero buong tapang at puno ng pag-asa na hinarap ni Gary at ng kaniyang pamilya ang karamdaman. Naging katuwang niya si Maria Buen at ang kaniyang tatlong anak na matiyagang umalalay sa kaniya.
Pero matapos ang mahigit walong buwan na pakikipaglaban, ginupo si Gary ng kaniyang sakit.
“Sobrang peaceful noong namaalam siya. Noong nagpaalam ‘yung wife niya, noong binulungan na siya, ayun nag-flat line na siya,” kuwento ni Gail.
Ultimate sidekick

Kung bida sa pagkanta si Gary, sumikat naman si Richie bilang sidekick ng kilalang comedy trio na sina Tito, Vic at Joey. Kung ang anyo at bitaw ng mga punchline nga raw ang pag-uusapan, tiyak na mapapatawa ka kay Richie D’Horsie.
Ang sabi nila, ang sikreto raw ng mga mahuhusay na bidang komedyante ay ang mga sidekick na katuwang nila sa bawat hirit at komedya! At ‘yan ang pinatunayan ni Richie noong nabubuhay pa siya. Sa katunayan, nakadikit sa pangalan nina Tito, Vic and Joey ang ngalan ni Richie.
Nang ma-discover si Richie, mismong si Vic Sotto ang nagbansag sa kaniya na ‘Richie D’ Horsie,’ isang screen name na talaga namang tumatak at pumatok sa mga manonood.
Pero alam ba ninyong bukod sa komedya, isa ring magaling na kumpositor si Richie? Noong kasagsagan ng Martial Law, nakagawa raw si Richie kasama ang VST & Co. ng maraming commercial at radio jingles hanggang 1977.
Napabilang din si Richie sa hit sitcom nina Tito, Vic at Joey na “Iskul Bukol” kung saan gumanap siya bilang isang working student. Bukod dito, isa rin siya sa mga original cast ng longest running noontime show na “Eat Bulaga.”
At mula nga noon, naging kadikit na ang pangalang Richie D’ Horsie sa iba’t ibang proyekto at mga pelikula ng TVJ.
Kasama sa lungkot at saya
Pero sa gitna ng kaniyang kasikatan, nalulong sa droga si Richie, dahilan para makulong siya ng ilang beses. Taong 2000 nang una siyang nakulong at muli noong 2004 sa parehong kaso na illegal possession of drugs.
Sa pagkakalulong ni Richie sa bawal na gamot, maging ang kaniyang sariling asawa’t mga anak, ay nagawa raw niyang talikuran. Gayunpaman, hindi raw tinalikuran na lamang basta nina Vic at iba pang mga kaibigan si Richie. Sa katunayan, sila pa raw mismo ang nagsabi na ipasok ang komedyante sa rehab noon, ayon sa kuwento ng pamangkin niyang si April Alcober.
“Sila ‘yung nagpasok kay Tito Richie. Kasi nung time na ‘yun, pag pinasok mo sa rehab, ang kailangan mo pera. Wala naman din po kaming ganun. Walang kakayahan ‘yung mga kapatid niya or magulang niya,” sabi pa ni April.
Noong 2008, tila naging “blessing in disguise” daw kay Richie ang pelikulang “Iskul Bukol: 20 Years After.” Nagbigay-daan daw kasi ito para mapiyansahan siyang muli at makapagsimula nang bago. At bukod sa panibagong buhay at karera na hatid ng pelikula, sinubukan niyang buuin ang kaniyang pamilya.
Pero sadyang mapagbiro ang tadhana. Kung kailan nagsisimula nang makabangon si Richie sa kaniyang pagkakasadlak, saka naman siya tinamaan ng karamdaman.
Na-brain stroke si Richie, tinamaan na rin ang kaniyang mga bato (kidneys) at nagkakumplikasyon pa ng diabetes, dahilan ng kaniyang maagang pagkamatay.
Makabuluhang buhay
Maaga mang nawala, may mahalagang aral na iniwan sina Gary at Richie sa kanilang mga mahal sa buhay.
Para kay Maria Buen, walang pagsisisi o panghihinayang ang kaniyang asawang si Gary. “Siguro pinapakita niya lang na makukuha sa tiyaga kung ano man ‘yung gustong marating. Parang inakyat niya talaga ‘yung hagdan ng fame niya. Hindi naman overnight na sumikat siya.”
At sabi pa ng pamangkin ni Richie, “Dapat kung ano ‘yung meron ka pahalagahan mo, gamitin mo hangga't kaya mo. Ipakita mo, ibigay mo, i-share mo sa iba, kasi pag dumating ‘yung time na kahit gusto mo pang magbigay pero hindi mo na kaya, doon ka malulungkot. Doon mo mari-realize na sana dati ko pa ginawa.”
At tulad ng kahit anong musika o palabas, ang lahat ng simula ay mayroong katapusan. Bagama’t maikli, naging makabuluhan naman ang pagtatanghal – ang buhay – nina Gary at Richie.
Hindi man natin sila makitang muli, mananatili ang alaala ng kanilang mga tinig – tinig ng pagmamahal at kasiyahan – sa ating puso at isip.–Carlo Isla/BMS