‘Wagas,’ magwawakas na!

WAGAS HANGGANG WAKAS
May 25, 2019 (final episode)
Cast: Kris Bernal and Martin del Rosario
Matapos ang anim na taon, inihandog ng GMA Public Affairs ang huling pagtatanghal ng programang naghatid sa atin ng kilig at pag-asang manalig sa WAGAS na pag-ibig. Kasama sina Kris Bernal at Martin del Rosario, sariwain natin ang ‘against all odds’ na kuwento nina Emma at Pedro na naganap noong dekada 50 sa isla ng Culion, Palawan.
Sakay sa isang bangka, magkahalong lungkot at pangamba ang nararamdaman ni Emma habang papalapit siya sa isla. Ihahatid niya ang kanyang ina sa lugar kung saan naroon ang mga dinapuan ng nakahahawang sakit na ketong. Ano kaya ang naghihintay na buhay para sa kanya sa islang ito?
Inihiwalay si Emma sa kanyang ina para alagaan ng mga madre sa leprosarium. Mapupunta s’ya sa isang bahagi ng isla kung saan naroon ang mga taong walang nakahahawang sakit o ang mga ‘sano’.
Hindi kalaunan ay papanaw ang kanyang ina, pero mas pipiliin ni Emma na manatili sa isla. Dito niya makikilala si Pedro, ang tanging lalakeng nagpakita ng malasakit at pagmamahal sa kanya. Tuluyang mahuhulog ang loob ng dalaga kay Pedro.
Pero may isang problema, si Pedro ay isa ring leproso. Sa parte ng islang ito, matindi ang pagtutol ng mga ‘sano’ sa pakikisalamuha sa mga may sakit na ketong. Kaya maaaring mapatalsik si Emma rito kung malalamang patago siyang nakikipagkita sa nobyong leproso.
Pero hindi patitinag ang dalawang nag-iibigan. Ilalaban nila ang kanilang pag-ibig hanggang sa huli. Kung paano nila ito gagawin, abangan ngayong Sabado 7PM sa GMA News TV.