ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Dalawang kuwento ng mga nanay, isang ‘di tunay na ina at isang inang nag-abandona sa mga anak sa ‘Wish Ko Lang’


Airing Date:  June 2, 2012   Mag-ina hindi dahil magkarugtong ang pusod, kungdi ang pagmamahal na mula sa puso ang nag-uugnay kina Aling Aida at Benjie.Hindi sila magkadugo, anak raw sa pagkabinata si Benjie ng mister ni Aling Aida. Pitong buwan pa lang daw ito ng mapunta sa kanya at siya na rin ang nagpalaki sa bata. May kapansanan sa pag-iisip si Benjie kaya mas dobleng atensiyon at pasensiya ang ilalaan sa pag-aruga sa kanya. Dati raw ay bumibista pa ang tunay na ina niya pero bigla na lang daw nawala na parang bula at hindi na nagpakita sa kanila. Ang asawa naman ni Aling Aida ay pumanaw na rin at tanging sila lang ni Benjie ang magkasama sa buhay ngayon. At kahit matanda na ay todo kayod pa rin ang nanay nanayan, naglalako siya ng yelo, nagtitinda rin ng basahan at direct seller din, para matustusan ang pangangailangan ng kanyang anak-anakan.        Habang sa Pangasinan, ang ina na si Jerry Christina ay patuloy na binabagabag ng kanyang kahapon. Inabandona niya kasi ang tatlong anak noon at hindi na binalikan pa. Kasalukuyang nasa Antipolo naman daw ang mga anak at makalipas ang higit dalawang dekada, nasanay na raw silang wala ang tunay na ina. Samantala, si Jerry ay nag-iisa sa buhay at bantay raw sa palikuran ng terminal ng bus. Hiling niya na makita ang mga anak ngunit wala raw siyang lakas ng loob at hindi niya rin alam kung mapapatawad pa siya sa kanyang malaking pagkukulang sa kanila.    Tunghayan ang ibayong pagmamahal ng isang nanay-nanayan sa kanyang anak-anakan… At mahuhugasan ba ng pagsisi ng isang ina ang kasalanang pag-iwan sa kanyang mga anak noon?   Abangan sa WISH KO LANG!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Startalk sa GMA-7.