ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang tinapa, si Jennylyn Mercado at ang alkansiya sa 'Wish Ko Lang!'


WISH KO LANG!
Date of Airing: May 31, 2014
Time of Airing: 4:45 PM. GMA-7

 
Isang tindera ng tinapa, makaka-engkuwentro ang nagrereklamong kostumer! Dito iikot ang eksperimentong gagawin ng Wish Ko Lang!. Mahahaluan kasi ng sira o lumang tinapa ang nabili na hindi naman sinasadya ng tindera. Kailangan pa bang humantong sa konprontasyon na kaya namang maresolba sa maayos na usapan? Para sa mga makakasaksi ng sitwasyong ito, may umangat kaya na Wish Ko Lang! Idol na magsisilbing tagamayapa?


 

Madalas daw makita ang labingtatlong taong gulang na si Mudjur sa España at Morayta na nagtitinda ng kakanin at tinapay. Tutol man ang tiyahin na nag-aalaga sa kanya rito, nagpupumilit ang binatilyo dahil para raw maramdaman na siya ay may silbi. Ang kinikita ni Mudjur , agad niyang hinuhulog sa latang alkansiya. Ayaw niya rin kasi i-asa pa sa iba ang pambili ng mga gamit niya sa darating na pasukan kung saan siya ay grade 6na. Handa niya ring ibahagi ang kanyang ipon, minsan daw kasi wala ng ulam sa bahay nila, binigay niya raw ang dalawang daang piso mula sa alkansiya para may makain daw sila.
 

 
Nasaksihan daw ni Perla ang pag-usbong ng karera ng kanyang paboritong artista na si Jennylyn Mercado. Nasa highschool pa lang daw siya noon at ngayong pamilyado na, loyalist pa rin sa unang StarStruck winner . Maging ang anak niya na si Princess Jennylyn, hinango niya sa pangalan ng Kapuso actress, at ito pa, nagkataon nga lang ba na ang apelyido ng kanyang napangasawa ay Mercado rin? Para kay Perla may ugnayan ang lahat ng ito sa nag-iisang idolo niya. Kaso matuturing nga ba siyang certified fan kung hindi pa nakikita sa personal at nakadalo man lang  sa fan’s day ni Jen? Dahilan ni Perla, may sakit daw kasi siya na asthma at ngayon pati bato niya ay palyado na rin. Ang ipapasahe niya mula sa kanila sa Nueva Ecija ay ipang-gagamot na lang daw niya o kaya pang-gastos sa kanyang pamilya. Pero hindi pa rin siya bumibitiw sa kanyang pangarap, na balang araw ay makikita niya rin ang kanyang idolo.   

Tunghayan ang mga tagpong ito ngayong Sabado sa 'Wish Ko Lang!', 4:45 PM sa GMA-7.