Sina La Oropesa, Sheryl Cruz, at Kapuso hunks Alden at Kristoffer sa 'Wish Ko Lang!'
Airing Date: July 26, 2014
Airing Time: 4:00 PM

Inagaw daw ng polio ang kakayahan ni Will na makalakad. Pero hindi raw ito ang magiging balakid sa kanyang mga pangarap sa buhay. Kapos man noon sa pera, nai-raos niya ang kanyang pag-aaral. Ngayon ay isa na rin siyang empleyado kahit naging pagsubok ang paghahanap ng trabaho dahil nauuna raw mapuna ang kanyang kapansanan. Lahat ito ay nalampasan ni Will, pero may masayang kabanata rin naman ang kanyang nakaraan, ito ay nang minsan siyang humanga sa artista at kahit hindi raw siya makalakad, naranasan niya ang pumila sa araw at magtipid ng budget para may pang-sine at pambili ng album. Ang iniidolo niya noon at magpa-hanggang ngayon ay si Sheryl Cruz.

Sa susunod na pag-iikot ng Wish Ko Lang!, may kasama muli na dalawang Kapuso Heartthrobs para i-sorpresa ang mga teenager at kolehiyala. Isa lang naman ang magiging misyon nina Alden Richards at Kristoffer Martin, ang mapasaya at bonus na pakilig para sa kanilang mga tagahangga. Pero bago maganap ito, kailangang mapatunayan na tipo niyo ang karakas nila Alden at Kristoffer dahil sa ipapasubok na puzzle, mukha ng idolo dapat ang inyong mabuo! 
Nitong Hulyo lang, habang masayang naghahapunan sina Victor at kanyang mga magulang, nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib kaya nagpadala siya sa ospital. Pero dulot ng katandaan at matinding tensiyon, habang inaagapan si Victor, ang tatay niya naman ang inatake at agad namatay. Parang gumuho ang mundo ng ilaw ng tahanan na si Aling Lumen sa sinapit ng kanyang asawa’t anak. Lumalagari siya sa ospital at burol ng kanyang mister. Ngunit mas bumigat pa ang sitwasyon dahil pagkalipas ng ilang araw, si Victor naman ang pumanaw. May gana pa kaya si Aling Lumen na harapin ang kinabukasan niya sa bigat ng mga dinanas niya nitong mga nakaraang linggo?
Abangan ngayong Sabado sa 'Wish Ko Lang!' 4:00 PM sa GMA-7!