Julie Anne San Jose, na-inspire sa kuwento ng buhay ng kaniyang fan
Nito lang Sabado sa “Wish Ko Lang,” ginampanan ni Julie Anne San Jose ang pagsasabuhay sa kuwento na kaniyang fan na si Bernadeth Corpuz. At maging ang Kapuso star, naantig sa naging karanasan nito.
Hindi naging madali ang buhay ni Bernadeth Corpuz. Sa murang edad, kinamulatan na niya ang pananakit ng ama na laging lango sa alak. Kung hindi ang kaniyang ina, si Bernadeth ang naging buntungan ng mabigat na kamay nito.
Kinalaunan, nagdesisyon ang kaniyang ina na iwan na ang asawa, bitbit sina Bernadeth at isa pa niyang kapatid.
Napunta si Bernadeth sa poder ng kaniyang Lolo Angelo, at dito na nagbago ang kaniyang buhay.
Ang malungkot na buhay ni Bernadeth, nagkaroon ng saya dahil sa kaniyang supportive at mapagmahal na lolo. Dito niya natagpuan ang pagmamahal na hindi niya kailanman naramdaman sa sariling ama.
“Simula noong iniwan ako ng magulang ko, siya ‘yung nag-alaga sa akin. Hindi niya ipinaramdam sa akin na dalawa lang kami,” kuwento ni Bernadeth.
Pagmamaneho ng jeepney ang trabaho ni Lolo Angelo at ibinibigay daw nito ang lahat ng pangangailangan ng apo. “Gusto ko na ring magkatrabaho na para mapatigil ko na siya sa pagmamaneho,” lahad ni Bernadeth, na pangarap ding maibalik ang kabutihan ng kaniyang Lolo.
Suportado rin ni Lolo Angelo ang pag-iidolo niya sa Kapuso star na si Julie Anne San Jose, na nagbibigay inspirasyon din kay Bernadeth.
Nagkaroon ng pagkakataon si Bernadeth na makaharap ang kaniyang idolo sa episode ng “Wish Ko Lang”, at talaga namang nagkaiyakan pa ang dalawa. Si Bernadeth, hindi makapaniwalang nasa harap na niya ang hinahangaang Kapuso. Samantalang si Julie, naantig naman sa katapangan ni Bernadeth sa kabila ng mga naging karanasan nito.
“Naiiyak ako kasi umiiyak din siya eh. Sobrang happy ako na na-meet kita. Kasi 'yung mga eksena (na ginawa ko), sobrang bibigat. Hindi ako makapaniwala na may ganoon palang (karanasan). Kung sinasabi mo na na-inspire ka sa akin, inspirasyon din kita,” pahayag ni Julie habang kaharap ang kaniyang fan.
Panoorin ang kanilang pagtatagpo sa video na ito:
Nag-trend din sa Twitter ang "Julie on WishKoLang" noong Sabado, sa parehong nationwide at worldwide category.
-Annalyn Ardona/ BMS, GMA Public Affairs
Mapapanood ang Wish Ko Lang tuwing Sabado, 3: 15 PM, sa GMA Network Channel. Maaari rin silang sundan sa Facebook at Twitter. Para sa mas maraming impormasyon tungkol sa iyong paboritong dokumentaryo, sundan ang GMA Public Affairs Facebook at Instagram.