Kuwento ng isang ulirang ama, tampok sa 'Wish Ko Lang'

Wish Ko Lang!
"T A T A Y"
Si Emilio na raw ang matuturing na pinakamapagmahal na ama ayon sa kanyang mga anak. Kahit daw naghahanapbuhay, siya pa rin ang nag-aasikaso mula sa pagbihis ng uniporme, naghahanda ng almusal at baon ng mga bata. Pero ayon sa kanyang misis na si Lourdes, hindi na siya masaya sa buhay na alay ng kanyang asawa, malayo raw ito sa ipinangakong kapalaran noong bago sila ikasal.
Kaya nagpasya si Lourdes na lisanin ang Surigao at iwan ang kanyang pamilya para mamasukan sa Maynila. Ngunit may iba pala siyang plano roon, hindi na siya bumalik kina Emilio at sa mga bata, may kinasama na siyang ibang lalaki at ipinagpalit ang kanyang pamilya.
Mula noon, nagbago ang masayahing tatay, dinamdam niya ng husto ang pag-alis ng misis. Pero napagtanto niya na ang tunay niyang kasiyahan ay ang kanyang mga anak, kaya mas lalo siyang nagpursige para sa kanila. Para mabigyan sila ng magandang kinabukasan, kinailangan niyang dumayo sa ibang isla para sa mas malaking kita bilang minero. Pero muling masusubukan ang kanyang katatagan, habang malayo siya at nagtatrabaho, nagkagiyera sa pagitan ng mga sundalo at mga rebelde sa kanilang lugar, kung saan nakatira ang kanyang mga anak...At ito ang nagdulot sa pagkawatak-watak nilang mag-aama.
Abangan ang natatanging pagganap ni Rocco Nacino bilang si Emilio, ang mapahmahal na ama na nawalay sa kanyang mga anak... Tunghayan sa "Tatay" ng Wish Ko Lang! , kasama si Vicky Morales, Sabado, 3:15 pm, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.