Pakikipagsapalaran ng isang binatilyong unano, tampok sa 'Wish Ko Lang'
"LAPNOS"
April 23, 2016

Isinilang na kakaiba si Adrian, siya ay unano. Mula ng magkaisip, nahirapan na siyang makipagkaibigan, lagi kasi siyang tampulan ng tukso at walang gustong makipaglaro sa kanya. Pero nang makilala niya ang magkapatid na Marco at Jeremy na nabansagang pasaway at “bully” sa kanilang lugar, pakiramdam niya ay nakahanap na siya ng barkada. Lagi kasi siyang sinasama nila at nakakatambay din siya sa bahay nila.
Nunit sa tuwing kasama ni Adrian ang magkapatid, lagi siyang inuuto at pinaglalaruan. Madalas ay napapahamak na rin siya sa ginagawa nila Marco at Jeremy. Tinitiis lang ni Adrian ang mga galos at pasa, kaysa naman daw na wala siyang kalaro, inisip niya na lang na bahagi talaga ito ng pakikipagkaibigan.
Pero isang araw, tila pinagsisihan ni Adrian at nakilala pa niya ang magkapatid na ito. Nageeksperimento raw ang isa sa kanila at pinaglalaruan ang gasolina at apoy, hanggang sa isang iglap, basta na lang nagliyab ang mukha at katawan ni Adrian. Biro pa rin bang maituturing ito kung may nasasaktan na sa kanila?
Tunghayan sina Melissa Mendez, Jemwell Ventinilla at ipinakikilala si Kim Thomas M. Bon sa kanyang pagganap bilang Adrian saWish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.