Binatilyong masigasig sa pag-aaral, bibida sa 'Wish Ko Lang'

Isang model student si Cholo---mataas ang grado, paborito ng mga teacher at maraming kaibigan. Wala na siyang ama at kasa-kasama sa bahay ang kanyang nanay, batang kapatid na babae at ang kaniyang kuya. Lingid sa kaalaman ni Cholo na ang perang ipinambibili nila ng lahat ng kanilang kailangan ay galing pala sa masama. Ang kanyang kuya…hanapbuhay ang pumatay! Isa itong hitman. Dumating ang araw nang singilin ng kapalaran ang kaniyang kuya nang mapatay ito sa isang engkwentro sa mga pulis. At dahil wala na ang bumubuhay sa kanila, wala na silang pambayad sa barung-barong na inuupahan. Sa kalye na sila nanirahan at napilitan si Cholo na pagsabayin ang pag-aaral at pagiging car wash boy. Sunod-sunod na bagyo ang naranasan nina Cholo at ng kanyang ina’t kapatid. Muntikan na nga itong kumapit sa patalim nang alukin bilang hitman ng dating katrabaho ng Kuya. Pero, ayaw daw niyang dugo ng tao ang ipapakain sa pamilya. Nagsikap at nagtiyaga siyang gampanan ang pagiging “breadwinner” hangga’t sa mag-iba ang takbo ng kaniyang kapalaran.
Huwag palampasin ang pagganap nina Sef Cadayona, Maria Isabel Lopez at Milcah Nacion, para isabuhay ang mga nakaaantig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.