ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Bianca Umali, magiging arnis player sa 'Wish Ko Lang'


 


Noong high school pa si Maya, madalas siyang sumabak sa mga tournament ng arnis sa Iligan City. Hanggang sa nadiskubre siya ng isang coach na taga Maynila at humanga sa galing niya. Inalok daw siya para maging atleta at malilibre pa ang ang matrikula niya sa kolehiyo. Agad sinunggaban ito ni Maya, pagkakataon daw ito para mai-ahon sa hirap ang kanyang pamilya.

Patuloy ang pag-ani ng mga medalya ni Maya, todo ang ensayo niya para lalo pang gumaling sa arnis. Pero aminado ang dalaga na kahit libre na ang pag-aaral niya, kinakapos pa rin siya sa mga pangangailangan niya. Kaya hindi lang pagiging atleta at estudyante ang pinagsasabay niya, naghahanap din siya ng ibang pagkakakitaan. Sinubukan niyang mag-apply sa mga fast food at tumatanggap din siya ng labada. Ganito ang naging buhay ni Maya sa Maynila, determinado siya na magsumikap para makatapos at makahanap agad ng trabaho.

Pero sa huling taon niya, napansin niya na napapadalas ang pagkahilo, lagnat at pagdugo ng ilong niya. Kaya hindi na rin siya nakakapagensayo gaya ng dati. Nang magpasuri, nalaman na siya pala ay may stage 4 acute myelogenous leukumia na. Halos gumuho ang mundo ng dalaga, ang mga pangarap niya ay naglaho na. Mabilis din ang paghina ng katawan ni Maya kaya umuwi na lang siya sa kanyang pamilya na lumipat na rin sa Cagayan De Oro.

Hindi maiwasan isipin ni Maya na nabalewala ang lahat ng kanyang pinaghirapan nang dahil sa karamdaman niya. Ngunit napawi ang kalungkutang ito nang sorpresahin siya ng mga guro at opisyal ng kanyang pamantasan mula sa Maynila. Siya ay dinayo nila sa ospital para bigyan ng special graduation rites. Para sa kanila, malaking karangalan ang naiambag niya sa paaralan at ilang units lang naman ang kulang niya sa huling taon sa kursong BS Physical Education. Dahil dito, nabuhayan uli ng loob si Maya para patuloy siyang lumaban sa kahit anomang hamon sa buhay.

Tunghayan ang pagganap ni Bianca Umali bilang si Maya, kasama niya rin sina Isabelle De Leon, Mickey Ferriols at John James Uy para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado , 4:15 pm sa GMA-7.

Tags: pr, plug, wishkolang