Dalagang ginawa ang lahat para sa mga kapatid, susurpresahin ng 'Wish Ko Lang'

Habang lumalaki, hindi na raw nakadanas ng ginhawa si Gesielle at kanyang mga nakababatang kapatid. Nagsimula raw ang kalbaryo nila mula nang mawala sila sa piling ng ama na may masamang balak pala sa kanya. Ang naisip naman na paraan ng kanilang ina para mabigyan sila ng magandang buhay, hanapin ang suwerte sa abroad. Kaya si Gesielle at mga kapatid niya, ibinilin sa iba’t ibang kaanak. Pero lahat ng kanilang tinuluyan, lagi raw silang inaabuso at inaalipin.
Kumapit sa pagtitiis ang magkakapatid, wala naman daw kasi silang magagawa, hindi rin batid ito ng kanyang ina dahil bihira lang sila matawagan dahil mahigpit ang napasukang trabaho nito sa ibang bansa.
Ngunit nang humantong na sa sukdulan ang paghihirap nila, nagpasya na si Gesielle na bumukod silang magkakapatid. Mas maigi raw na siya na lang ang magtaguyod sa kanila, kaysa sa pagmalupitan sila ng ibang tao.
Para mairaos naman ang pangangailangan nila, pinagsabay ni Gesielle ang pag-aaral sa high school at pagtitinda ng yelo at barbeque. Sumasali rin siya sa mga pageant sa mga pisatahan dahil malaking tulong daw ito sa kanilang magkakapatid kung sakaling manalo at matanggap ang premyo.
Tunghayan ang pagganap ni Ashley Ortega bilang si Gesielle, kasama niya rin sina Lovely Rivero, Bryce Eusebio, Dentrix Ponce, Shyr Valdez at Mon Confiado para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.