Katatagan ng isang binatang may kapansanan, tampok sa 'Wish Ko Lang'

Madalas daw makatikim ng buntal si Leevan mula sa ama niyang lasinggero at kuya niyang nagbibisyo. Isa rin daw sa dahilan ay di nila matanggap na siya ay bakla. May kapansanan din si Leevan, iika-ika siya maglakad dahil daw ito sa polio. Kaya hindi raw siya masisisi kung mababa ang kumpiyansa sa sarili dahil sa sinasapit niya sa kanyang pamilya.
Isang araw, nilayasan na raw sila ng kanyang ama habang ang kuya naman niya ay pinagsisira ang kanilang bahay at pinagbebenta ang gamit. Dahil dito, nakitira na lang si Leevan sa kanyang pamilyadong ate. Wala namang naging problema at malapit din ang dalawa niyang pamangkin sa kanya. Pero isang araw, habang wala siya sa bahay, nataon na wala rin ang kanyang kapatid at naiwan lang ang mga bata, nasunog ang niluluto ng kapitbahay at mabilis na kumalat ang apoy at umabot sa kanila. Namatay ang dalawang bata,dahil dito, nagka-alitan din si Leevan at ang kanyang ate.
Wala nang matakbuhan si Leevan at nanatili na lang sa isang bakanteng lote, pakiramdam niya na magiging ganito na lang ang buhay niya lalo pa’t siya’y may kapansanan at walang pinag-aralan.
Tunghayan ang pagganap nina Sef Cadayona, Elle Ramirez, Pepita, Petite at Ping Medina para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.