Sobrang kabaitan ng isang misis, mapapanood sa 'Wish Ko Lang'

Isang butihing ina at maybahay raw si Nene. Maawain din siya sa kanyang kapwa at umaampon pa nga siya ng mga taong wala raw matutuluyan. Hindi naman tutol ang mister niyang si Domeng dito at wala rin siyang pakialam dahil may iba pala siyang pinagkaka-abalahan, yan ay ang pambababae. Ito rin ang madalas pagtalunan nilang mag-asawa, pero wala namang pagbabago kaya hinahayaan na lang ni Nene dahil katwiran niya, sa kanya pa rin naman umuuwi ang mister.
Pero sinubok nang husto ang katatagan ni Nene, ang isa kasi niyang pinatuloy na babae sa kanilang bahay na tinuring pa niya na parang anak, ang siya pang nagtaksil sa kanya. Pinatulan kasi nito ang babaerong asawa at ang masakit pa nito, nagtanan sila.
Mali nga ba si Nene dahil masyado siyang mabait at hinayaan niyang abusuhin siya? Mapapatawad pa ba niya ang kanyang asawa?
Tunghayan ang pagganap nina Ruby Rodriguez, Simon Ibarra, Prince Celemente, Mara Alberto at Ashley Ortega para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.