Misis na tinitiis ang pananakit ng asawa, mapapanood sa 'Wish Ko Lang'
Wish Ko Lang!
Oct 7, 2017
“May Awa ang Diyos”

Matindi raw magselos ang mister ni Cora na si Noli. Pati raw kasi ang kanyang pagsisimba ay pinag-iisipan pa ng masama. Ito ang hindi mawari ni Cora, alam naman ng asawa na kahit noong dalaga pa, pala-dasal na siya at nagbalak pa nga na magmadre noon. Sa tuwing nagagalit si Noli, binubugbog niya lagi ang kanyang misis at maging mga anak na musmos pa ay nasasaksihan ang ginagawang pang-aabuso sa kanilang ina.
Nang magkatrabaho ang mister sa siyudad, inakala nila na baka magbago na siya. Pero hindi raw nagbibigay ng pang-gastos si Noli at parang wala raw pakialam sa kanila. Kaya ang ginawa ni Cora, sinama niya ang mga bata at pinuntahan sa trabaho ang asawa, pero ang nangyari, pinagtabuyan at pinahiya lang siya. Ang mahirap pa nito, hinayaan lang din ni Noli ang kanyang mag-iina sa kalsada. Hindi na alam ni Cora ang gagawin, dahil wala naman siyang kilala roon at walang mahingan ng tulong.