Pagmamahal ng isang ama, mapapanood sa 'Wish Ko Lang'

Mula nang ihabilin kay Gode ang pamangkin na si Marco, itinuring na niyang anak ang bata. Binusog niya ng pagmamahal at ginabayan sa paglaki. Pero nang lumaki na si Marco, nakakilala siya ng mga taong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at di naglaon ay naimpluwensiyahan na rin siya para subukan ito. Naluluong na ang binata sa bisyo at humantong pa na ninanakawan na rin niya ang kanyang mga kaanak.
Sa paglipas ng panahon, lalong lumalala na si Marco, dahil madalas ay wala na siya sa sariling bait, muntik na raw nitong gahasain ang pamangkin niya at pinagtangkaan ding sunugin ang bahay nila.
Nanghihinayang at nangangamba si Gode sa napiling landas ni Marco, dahil kung patuloy na magiging ganito ang buhay niya, dalawang bagay lang daw ang maaaring idulot nito, ang makasakit siya ng ibang tao o siya mismo ang mapahamak.
Tunghayan sina Edgar Allan Guzman, Lui Manansala, Jhenzel Go, Karlo Duterte, Kevin Sagra at Joel Sarracho para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.