Pag-iibigan ng dalawang sundalo, mapapanood sa 'Wish Ko Lang'
Wish Ko Lang!
March 10, 2018
"OPERATION: Will You Marry Me?"

Sa gitna ng digmaan, nabuo naman ang pagmamahalan nina Cpl. Denemar Albani at Pvt. Kristine Porcadilla. Nagkakilala ang dalawa nang madestino sila sa Sultan Kudarat at hindi naman inaasahan na uusbong sa pag-iibigan ang kanilang pagkakaibigan. Hangga’t maari raw kasi, bilang sundalo, wala sanang mabubuong relasyon sa kampo. Kailangan daw kasi isantabi ang pangsariling kaligayahan lalo na kung naglilingkod sa bayan. Pero sadyang malakas ang idinidikta ng kanilang mga puso kaya kalauna’y naging magkasintahan sila.
Hanggang sa dinala sa isang misyon sa malayo at liblib na lugar si Denemar, ngunit hindi siya nakapag-paalam kay Kristine. Hindi inaasahan na mapuputol na rin ang kanilang ugnayan mula noon dahil wala raw paraan para sila’y mag-usap. Tumagal ng isang taon na wala si Denemar kaya inisip na lang ni Kristine na tapos na talaga sila ng kanyang nobyo.
Pero pagbalik ni Denemar sa kampo, muling nabighani siya kay Kristine at natauhan na dapat ituloy ang naudlot nilang pagmamahalan. Sinuyo niya uli si Kristine at sa pagkakataong ito, hindi na nila inilihim at ipinaalam na nila sa mga opsiyal nila ang kanilang relasyon. At dahil desidido na si Denemar na maging forever ang kanyang kasintahan, isang surprise na marriage proposal ang kanyang ginawa at kasabwat pa rito ang mga kapwa nila sundalo.
Tunghayan ang tambalang Gil Cuerva at Julie Ann San Jose, kasama rin si Marika Sasaki para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.