Kuwento ng anak na sinaniban ng yumaong ina, tampok sa 'Wish Ko Lang'

Ang buong mag-anak ni Leonora ay nagluksa sa kanyang pagpanaw. At ang higit na naapektuhan ay ang paborito at ang mabait niyang anak na si Jojo. Sana raw ay nasuklian pa niya ng husto ang ina sa lahat ng sakripisyo nito sa kanilang pamilya.
Pero habang nakaburol ang ilaw ng tahanan, marami ang kinilabutan dahil sa kanyang diumanong pagsanib sa ilang nakikiramay roon… Ano raw kaya ang gusto nitong ipahiwatig sa mga naulila niya?
Lalong nabahala ang mag-anak nang sumapi na raw ang kaluluwa mismo ni Leonora kay Jojo. Naging madalas ito at nagpatuloy pa kahit matapos na siyang mailibing. Hindi raw matahimik si Leonora dahil hindi pa raw niya oras at matindi rin ang galit nito sa kanyang mister na may malaking kasalanan daw sa kanya.
Totoo nga kaya ang kababalaghang ito sa kanilang mag-anak? Habambuhay rin ba na gagamitin si Jojo ng kanyang ina para sapian at bakit siya ang kailangang magdusa kung wala naman daw siyang kasalanan bilang anak?
Tunghayan ang pagganap nina EA Guzman, Nats Sitoy, Dan Alvaro at Glenda Garcia para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.