ADVERTISEMENT
Filtered By: Scitech
SciTech

'Duterte Fighting Crime' app, patok ngayon sa mobile users


Naging makulay ang kampanya ni incoming President Rodrigo Duterte para sa Eleksyon 2016 dahil sa kaniyang mga astig na kilos at mga maanghang na pananalita tungkol sa pagsugpo sa laganap na kriminalidad sa bansa.

Dahil dito, isang game developer ang nakaisip na gumawa ng mobile game base sa personalidad ng pinakabagong pangulo ng Pilipinas.

Tinatawag itong “Fighting Crime: Duterte Edition,” kung saan gamit mismo ni Duterte ang sari-saring armas at pampasabog sa kaniyang pakikipagsagupa sa iba't ibang klase ng armadong kriminal na makakasalubong niya.

Bukod sa nakakatuwang graphics ng laro, maririnig rin dito ang tinig ng papasok na Commander-in-Chief ng bansa.

Ayon sa game developer na si Anjo Pascual sa panayam ng “24 Oras” noong Miyerkules, “Siya po kasi 'yung pinaka-cool sa lahat ng kumakandidato at saka parang astigin 'yung personality niya, kaya in-apply namin sa game." "

"Nilagyan namin ng voiceover niya 'yung mga linya. Ayun, naging patok naman at nagustuhan ng mga tao," dagdag pa niya.

Higit sa 100,000 na ang nag-download ng naturang laro sa Google Play Store, at inaabangan na nga ng marami ang magiging update nito.

“Nasa development po ngayon, tapos lalagyan namin ng big boss (fight) laban kay Trillanes,” paliwanag ng game developer.

Dahil sa mga eksena ng karahasan at mature na tema, Rated 17+ ang laro, at hindi ito maaaring i-download ng mobile users na wala pang 17 taong gulang. — APG, GMA News