Filtered By: Showbiz
Showbiz

Comedy King Dolphy brings delight to OFWs in Hong Kong


Pansamantalang nakalimutan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong ang kanilang mga problema sa ginawang pag-aliw sa kanila ng comedy king ng Pilipinas na si Dolphy. Sa ulat ni GMA correspondent Corazon Canete, sinabing napuno ng mga OFW ang Hong Kong Coliseum upang panoorin ang concert ni Pidol. Kasama ng comedy king ang kanyang mga anak at longtime partner na si Zsa Zsa Padilla. Bukod sa pagpapatawa, sinariwa rin ni Dolphy ang panahon nang minsan din siyang magtrabaho bilang isang OFW noong 1950s bilang dancer. Huling-huli pa rin ni Dolphy ang kiliti ng mga kababayan sa Hong Kong na halos hindi maputol ang tawanan ng mga manonood. Ayon sa mga kababayang OFWs hindi nasayang ang araw na ginugol nila na mag-day-off upang mapanood lamang ang kanilang 80-anyos na idolo na si Dolphy. Sa panayam kay Dolphy sinariwa niya ang panahon nang magtrabaho sa Hong Kong noon bilang dancer. “Noong araw yung mga Filipino mayroon silang katulong na Chinese, ama ang tawag nila. Ngayon amo na ang tawag nila," pahayag ni Pidol sa Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Martes. Idinagdag ng beteranong aktor na batid din niya ang nararamdaman na kalungkutan ng OFW na mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay. “Araw ng Pasko, Bagong Taon, hindi mo…parang pamilya mo nasa Pilipinas. Nararamdaman ko yun. Damang- dama ko yun," aniya. Matatandaan na inilunsad ni Dolphy ang kanyang libro nang ipagdiwang niya ang kanyang ika-80 kaarawan. Ang kikitain sa naturang mga libro mapupunta sa foundation na itinayo niya para tumulong sa mga OFWs. - Fidel Jimenez, GMANews.TV