ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Katrina Halili wants 4 others probed over sex video scandal


Apat na tao pa kabilang ang ‘partner’ umano ng isang sikat na singer-actress, at anak ng kilalang socialite sa mga nais paimbestigahan ni Katrina Halili sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa kumalat na sex video nila ni Hayden Kho Jr. Ang pangalan ng apat ay nabanggit umano sa audio recording na isinumiteng ebidensiya ng kampo ni Kho sa pagdinig ng Quezon City Regional Trial Court, ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA news 24 Oras. Personal na nagtungo si Halili kasama ang kanyang abogado sa tanggapan ng NBI nitong Huwebes dala ang written request at resolusyon ng Department of Justice. Nakasaad sa resolusyon ang direktiba sa NBI na imbestigahan ang iba pang posibleng sangkot sa pagpapakalat ng sex video. Kabilang sa pinaiimbestigahan ni Halili ay sina Cedric Lee, partner umano ni Vina Morales; Cris Arenas, sinasabing anak ni Rosemarie “Baby" Arenes; Mario Villaroman, computer expert; at Joy Umandap, empleyado ng Belo Medical Group. Ang pangalan ng apat ay nabanggit umano sa pulong na ginawa nina Kho, nobya nitong si Vicky Belo, talent manager na si Lolit Solis, at isang abogado.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Binanggit umano ni Kho sa nasabing pulong ang pangalan ng apat na humihingi sa kanya ng P4 milyon kapalit ng hindi pagpapakalat ng sex video. Lumitaw din umano sa pulong na hindi lang si Belo ang may hawak ng kopya ng video. “Sila yung nagbanggit ng pangalan na nag-e-extort daw ng P4 milyon, marami raw may kopya ng sex video. So ito yung mga tao na posibleng may hawak ng sex video na maaaring may kinalaman kung bakit kumalat," ayon kay Atty. Raymond Palad, abogado ni Halili. Nangako naman si Halili na hindi titigil hanggat hindi nananagot ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng video. “Ako hindi po titigil, na hindi managot ‘yong mga tao na gumawa non mga kalokohan na ‘yon. Yung criminal case itutuloy ko pa rin." Nangako naman si Atty Nestor Mantaring, pinuno ng NBI, na ipatutupad ang direktiba ng DOJ at bibigyan ng pagkakataon ang mga nabanggit na pangalan para magpaliwanag. Idinagdag naman ni Atty. Jun de Guzman, hepe ng NBI-Anti-computer fraud division, na nakikipag-ugnayan din sila sa counterpart ng Federal Bureau of Investigation upang matukoy ang mga responsable sa pagpapakalat ng sex video. - Fidel Jimenez, GMANews.TV