ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cesar Montano's close friends share grief over son’s death


Nagpapakatatag daw si Cesar Montano sa harap ng trahedyang dinaranas ng pamilya nito bunga ng biglaang pagkamatay ng anak na si Christian Angelo. Samantala, kasamang nakikidalamhati sa aktor ang kanyang mga malalapit na kaibigan. Sa programang Diz Is It! sa GMA 7 nitong Biyernes, hindi napigilan ng host na si Bayani Agbayani na mapaiyak nang magpaabot ng pakikiramay sa kanyang kaibigan na si Buboy (palayaw ni Cesar). Hindi na nga napigilan ni Bayani ang emosyon nang mabanggit ang katagang, “parang anak ko na rin ‘yan." Patungkol ng host sa anak ni Cesar na si Angelo, 23-anyos, na sinasabing nagpakamatay sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili. Sa ulat ni entertainment reporter Lhar Santiago, sinabi ni Shirley Pizarro, tumatayong tagapagsalita ni Cesar, nagpapakatatag ang aktor para sa kanyang pamilya harap ng matinding dagok na pinagdadaanan nila.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nasa Bohol si Cesar para mangampanya bilang kandidatong gobernador nang matanggap daw ang masamang balita tungkol sa nangyari sa anak. Kaagad na sumakay ng eroplano ang aktor kasama ang asawang si Sunshine para makabalik sa Maynila. Sa isang pahayag, sinabi ni Cesar na nakita at nakausap pa niya anak nitong Huwebes. Nakiusap din siya sa media at publiko na bigyan sila ng pagkakataon na makapagdalamhati sa nangyari sa anak na si Angelo. “Mangingimi ka ngang kausapin dahil alam mo yung pinagdadanan, the whole family is like that," kuwento ni Shirley sabay paglalarawan kay Cesar na nakayuko nang una niya itong makita. “He appears very strong holding his family together. Kasi kung si Buboy pa ang ano ‘di ba mag-fall down lahat na magiging weak," idinagdag niya sa panayam ng Chika Minute sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Sinabi naman ni Dolly Ann Carvajal, kaibigan din ni Cesar, na sobrang ipinagmamalaki ng premyadong aktor ang anak na si Angelo. Katunayan, ito raw ang namamahala sa negosyo ng pamilya partikular ang mga restaurant sa Quezon City. Si Angelo rin umano ang tumitingin sa tatlo nitong kapatid na babae, at malapit din sa anak ni Cesar kay Teresa Loyzaga na si Diego na nakabase sa Australia. Inilarawan pa niya si Angelo na tahimik na tao, hindi masyadong pala-kuwento ngunit pala-kaibigan. Batay sa mga naglabasang ulat, problema sa pag-ibig ang pinapaniwalaang dahilan ng pagkitil ni Angelo sa sariling buhay. - FRJ, GMANews.TV