ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Charice starstruck by Michael V, Ogie Alcasid


Sa kabila ng kasikatan, inamin ng Pinay international singing sensation na si Charice na na-starstruck siya kina Michael V at Ogie Alcasid, na makakasama niya sa gagawing television special na mapapanood sa GMA 7. Sa rehearsal na ginawa ng tatlo, sinabi ni entertainment reporter Nelson Canlas na may pagkakataon na hindi mapigilan ni Charice ang tumawa dahil sa hirit na patawa nina Ogie at Bitoy. Kuwento ni Charice, nagiging bahagi rin ng kanyang buhay sina Ogie at Bitoy kapag nasa ibang bansa at nami-miss ang Pilipinas. “Kasi hindi naman ako… wala naman akong napapanood sa States, so nagse-search lang po ako sa Youtube ganun. Gusto ko talaga yung tandem nila ni Sir Michael V, dati yung di ba, ‘Angelina’ saka yung ‘Yaya.’ Pero ngayon me bago raw sila ‘Cheche,’ ‘Buretche,’" pahayag ni Charice sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang tinutukoy ni Charice ay ang pinasikat na karakter nina Bitoy at Ogie na “Yaya at Angelina" sa kanilang gag show na Bubble Gang. Sa ensayo ng kauna-unahang musical special ni Charice na ipalalabas sa GMA 7, ang Charice: Home for Valentines, kitang-kita na inspirado ang Pinay international singer sa duet nila ni Ogie sa pag-awit ng 'Ikaw Lamang.' Makikipagsabayan naman si Charice kay Bitoy para sa kanilang “Michael Jackson" song and dance number. Ayon kay Charice, masayang-masaya siya dahil kasama sina Michael V at Ogie sa kanyang musical special. Samantala, todo pasasalamat din naman si Bitoy kay Charice at GMA Network dahil binigyan siya ng pagkakataon na makasama ang Pinay singing sensation. “Dapat pala napakanta natin sina ‘Cheche’ at si ‘Buretche’," biro ni Bitoy. “Pero anyway maraming salamat Charice. Personally I’d like to thank you for giving me this opportunity na makasama ka, saka sa GMA rin." - FRJimenez, GMANews.TV