ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Carla Abellana sa sampal ni Maricel Soriano: ‘Masakit, masakit talaga’


Nakatikim ng matinding sampal ang Kapuso star na si Carla Abellana sa isang eksena nila ng Diamond Star na si Maricel Soriano para sa film fest movie na Yesterday, Today, Tomorrow. Second wife ni Gabby Concepcion ang role ni Carla sa movie, na magiging kainitan ng dugo ni Maricel, na ex-wife naman ni Gabby, ayon kay Chika Minute reporter Lhar Santiago. Kwento ni Carla, mabait na katrabaho si Maricel. Katunayan, binigyan pa siya ng mga tip sa pag-arte. Pero hindi raw niya makalilimutan ang eksena ng kanilang sampalan. “Masakit, masakit talaga. Hindi ko naman idideny ‘yan," pahayag ng Kapuso actress sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. “Kami namang mga artista hindi kami nandadaya. As much as possible ginagawa namin kung ano ang totoo, ‘yong kanyang sampal totoo talaga ‘yon and masakit talaga siya," patuloy ni Carla. Samantala, sumabak na rin si Carla sa sexy pictorial para maging latest calendar girl ng isang kilalang brand ng alak para sa 2012. Okey naman kaya sa boyfriend niyang si Geoff Eigenmann ang ginawang pagpapa-sexy niya sa calendar? “Noong una ayaw niyang tingnan, hindi siya komportable siguro kaya pinipare niya muna sarili niya bago niya tingnan lahat," ayon kay Carla. Kung noon ay hindi pa sure si Carla na lumabas sa mga men’s magazine, ngayon ay bukas raw siya na makipag-usap kung matitiyak na iingatan siya sa gagawing photo shoot gaya ng ginawang pag-alalay sa kanya sa 2012 calendar. Nilinaw din ng aktres na ang pagpapa-sexy sa calendar ay hindi naman hudyat na sasabak na siya sa mga daring role sa mga susunod niyang projects. – FRJimenez, GMA News