ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pacquiao, may ‘malaking’ regalo sa kaarawan ng misis na si Jinkee


Isang beach resort ang iniregalo ni Sarangani Rep Manny Pacquiao sa kanyang misis na si Jinkee Pacquaio, na nagdiwang ng kanyang ika-33 taong kaarawan, pati na ang kanyang kakambal. Sakay ng bangkang de-motor, 20-minutong binaybay ni GMA New reporter Steve Dailisan ang karagatan ng Sarangani Bay para marating ang isla na sakop ng munisipalidad ng Kiamba. Dumating din sa isla si Pacquiao at mga anak nito sakay ng binili nitong yate na nagkakahalaga ng P25 milyon. Ang naturang isla ay uupahan ng mga Pacquiao sa lokal na pamahalaan ng Kiamba sa loob ng 25 taon. Idedevelop raw nila ang lugar na world class beach resort. “Idedevelop namin siyempre para makatulong tayo sa tourism ng Sarangani kasi malapit lang siya, maganda yung place," pahayag ni Jinkee sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes. Ayon kay Jinkee, wala na siyang mahihiling pa dahil naibigay na ni Pacquiao ang pinakamagandang regalo sa kanya noon pa. “Pinaka-best gift na ibinigay niya sa’ken yung for being a changed man now, yung quality time sa bata, sa amin. And then pagiging malapit sa Diyos, yun ang pinakamagandang gift na binigay niya," pahayag ni Jinkee. "Ako rin ganun, siya yung pinakamagandang regalo," ayon naman sa kongresista. Sinabi ni Jinkee na ipinapaubaya na lamang niya sa mister kung kailan nito balak tumigil sa pagbo-boksing. Sa naturang isla na nagpalipas ng magdamag ang pamilya Pacquiao kasama ang kanilang mga bisita. - FRJimenez, GMA News