ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Raymart Santiago, nagsalita na sa umano’y paghihiwalay nila ni Claudine Barretto


Sa unang pagkakataon, nagsalita na si Raymart Santiago tungkol sa napabalitang paghihiwalay nila ng asawang si Claudine Barretto. Noong isang taon nang lumabas ang mga balita na umano’y hiwalay na sina Claudine at Raymart. Lalo pang lumakas ang mga hinala na hindi na maayos ang pagsasama ng dalawa nang makitang umiyak si Claudine sa loob ng isang bangko matapos mabigong makapag-withdraw ng pera. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, kasama si showbiz reporter Nelson Canlas nang magtungo ang mag-asawang Raymart at Claudine sa isang duktor para ipatingin ang problema ng Kapuso actress sa kanyang likod. Isinugod kasi si Claudine sa isang ospital sa Aklan kamakailan matapos dumalo sa isang GMA Regional event. Hindi umano food poisoning ang dahilan ng pagkakaospital ng aktres kundi ang dati na niyang sakit na paracervical muscle spasm na konektado sa pananakit ng kanyang leeg at likod. Ayon kay Dr Isagani Leal, natigil ang rehabilitation sa naturang sakit ni Claudine kaya ito bumalik. Pero hindi naman daw ito malubha at maaaring gamutin kung maipagpapatuloy ang therapy. Habang sinusuri ng duktor si Claudine, masusi namang nakaalalay si Raymart sa kanyang misis. Dito ay inamin ng aktor na nagkaroon sila ng problema ni Claudine pero hindi raw iyon sapat para sila maghiwalay. “Siyempre may pinagdadanan ang mag-asawa na hindi naman natin makontrol, pero yun we’re okey na… magbabakasyon din kami ni Claudine, second honeymoon," natatawang kwento ni Raymart. Masaya ang mag-asawa sa gagawing bakasyon sa Europe dahil matagal na raw nila itong pinaplano na silang dalawa lamang ang aalis at ngayon lang matutuloy. - FRJimenez, GMA News