ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pauleen Luna, nagpaliwanag sa pansamantalang pagkawala sa Eat Bulaga


Ipinaliwanag ni Pauleen Luna sa Startalk TX nitong Sabado ang dahilan ng kanyang pagkawala ng halos isang buwan sa Eat Bulaga. Nangyari ito sa harap ng mainit na usap-usapan tungkol sa umano’y romantikong relasyon nila ng kanyang co-host na si Vic "Bossing" Sotto. Pumasok ang taong 2012 na hindi nakitang sumalang sa Eat Bulaga si Pauleen. Nagbalik lamang siya sa longest-running noontime show sa Pilipinas nitong Sabado. Sa kanyang pagkawala, may mga espekulasyong naglabasan na baka may pinag-awayan o may lover's quarrel sila ni Vic. Nasulat din sa ilang tabloid na mga tweet ng anak ni Vic na si Oyo Sotto, na tila may pinapatamaan gaya ng isang post nito na: “Marami na talagang umeepal sa pamilya namin." Sa taped interview ng Startalk, sinabi ni Pauleen na nawala siya sa Eat Bulaga dahil kinailangan niyang magpahinga bunga ng tinamong sugat sa labi dahil sa isang aksidente. “Bike accident, as simple as that. Pero medyo may mga stitches na kailangan… okey na lahat although hindi pa ko maka-full smile kasi nga yung tahi sa lip ko kakatanggal lang," paliwanag niya. Idinagdag ng young actress na ugali niyang magtrabaho sa pagpasok ng taon pero hindi niya ito nagawa ngayon dahil kailangan niyang pagalingin muna ang sugat. Inamin din ni Pauleen na nagpahinga na siya sa Twitter at pina-deactivate na rin messaging system o BBM sa kanyang cell phone dahil sa mga masasakit at negatibong komento na kanyang natatanggap. Dumating na raw kasi sa kanya ang pagkakataon na nagkakaroon siya ng bad mood dahil lamang sa mga nababasang komento. Sa kabila nito, higit na mahalaga raw sa kanya ang mga komento ng mga taong nakakakilala sa kanya ng lubos. Iginiit din ni Pauleen na wala siyang ginagawang masama at iginagalang niya ang opinyon ng iba. Ngunit pakiusap ng actress-host, alamin muna ng iba ang katotohanan bago magsalita. Nanindigan din siya na pera ng kanyang mga magulang ang ginagastos sa ipinapagawa nilang bahay, at maliit na bahagi lamang ang kanyang kontribusyon. Ngunit nang tanungin ng Startalk kung ano ba talaga ang tunay na lagay ng relasyon nila ni Vic, pag-iling na may kasamang tapik ang isinagot ni Pauleen. -- FRJimenez, GMA News