Lovi Poe, tutok daw muna sa career kahit nakalaya na ang ex-boyfriend na si Ronald Singson
Prayoridad daw muna ni Lovi Poe ang trabaho at career kahit pa nakalaya na mula sa piitan sa Hong Kong ang kanyang ex-boyfriend na si dating Ilocos Sur Rep Roland Singson. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Lunes, ipinakita ang panayam ni Pia Guanio kay Lovi sa Showbiz Central noong Linggo. Sa naturang panayam, halata na pigil ang pagpatak ng luha ni Lovi dahil sa kasiyahan na nakalaya na si Ronald matapos ang 18-buwan na pagkakakulong sa Hong Kong dahil sa kaso ng pagdadala ng illegal drugs. Paliwanag ng Kapuso actress, higit pa sa pagka-miss ang naramdaman niya nang nawala si Roland. Ngayon daw ay masaya na siya at nabawasan ang kanyang mga iniisip dahil kapiling na ang dating kongresista ng kanyang pamilya. Ipinanood din kay Lovi ang recorded message ni Roland kung saan nagpasalamat ito sa aktres dahil sa ipinakitang suporta sa kanya. Sa kabila nito, sinabi ni Lovi na tututukan muna niya ang trabaho lalo pa’t nagsimula na ang bago niyang proyekto na Legacy. Sinabi ni Lovi na dapat abangan ang banggaan at patudsadahan nila ni Alessandra de Rossi na lalabas na step-sister niya sa primetime series. Kasama rin sa Legacy sina Heart Evangelista, Geoff Eigenmann at Sid Lucero. -- FRJimenez, GMA News