ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nadia Montenegro, humingi ng proteksiyon vs Annabelle Rama


Bunga ng insidente ng bulyawan na naganap pagkatapos ng hearing sa isang korte sa San Juan noong Lunes, humingi ng proteksiyon ang dating aktres na si Nadia Montenegro laban sa talent manager na si Annabelle Rama. Nagkairingan sina Annabelle at Nadia matapos silang dumalo sa pagdinig hinggil sa kasong qualified theft na isinampa ng una laban sa huli. Nitong Martes, ipinaliwanag ni Annabelle na ang kanyang “hospital bed" na ibinenta umano ni Nadia ang dahilan ng kanyang galit na umabot hanggang sa labas ng korte. Dahil sa naganap na insidente sa labas ng korte, nagsampa naman si Nadia ng panibagong kaso laban kay Annabelle na oral defamation, grave coercion at attempted murder. Sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Nadia na tumutulong ang kanyang mga abogado para makakuha ng proteksyon para sa kanya at sa kanyang pamilya. “Mukhang di na mapipigilan… mahirap na kasi baka magkasalubong kami," ayon sa dating aktres. Samantala, sinabi ni Annabelle na hindi siya nasisindak sa bagong kasong isinampa ni Nadia, kabilang na ang attempted murder. “Magdemanda siya hangga’t gusto niya, yun isinampa niya na murder’ di ko sasayangin ang buhay ko pumatay ng isang taong ‘di worth it. Masaya ako sa pamilya ko, very successful kami lahat, inggit lang siya," ayon kay Annabelle. -- FRJimenez/KG, GMA News