ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Grace Lee kay PNoy: 'He’s brilliant, if not, the most intelligent man I’ve met in my life'


Matipid na nagkwento ang Kapuso host na si Grace Lee sa istilo ng “panliligaw" ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Kasabay nito, may pakiusap siya sa harap ng umuusbong na romantikong ugnayan nila ng pangulo. Sa exclusive interview ni showbiz reporter Nelson Canlas, sinabi ni Grace na tulad ng ibang lalaki ay normal din ang paraan ng panliligaw ni Aquino. “Yes, very normal like any other guy," pahayag niya sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes. “I received a couple of chocolates and flowers. He’s very sweet." Nang tanungin ni Nelson kung may pag-asa ba sa kanya si PNoy, dito na ipinaliwanag ni Grace kung bakit nais sana niyang maging pribado ang anumang namamagitan sa kanila ng pangulo. “One of the reasons why I wanted this to be more private was because we’re at the stage of getting to know each other," anang 29-anyos na dalaga. “And I didn’t want so many people having so much to say about what’s going on between us." Idinagdag ni Grace na hindi siya ang babae na mag-aaksaya ng oras para kilalanin ang isang tao kung hindi siya interesado. Nitong Miyerkules lang magkahiwalay na kinumpirma nina PNoy at Grace na lumalabas sila. Pero paglilinaw ni Grace, bago pa lang ito nangyari at hindi nagsimula nang una silang magkita ni PNoy sa Cebu noong June 2011. Muli lang daw silang nagkita ng pangulo noong Disyembre 2011 nang kapanayamin niya ito para sa isang radio station. Marami raw silang napag-usapan ng pangulo at lubos siyang napahanga. "He’s brilliant, if not, the most intelligent man I’ve met in my life," dagdag niya. Aminado naman si Grace na hindi siya sanay sa malaking atensyon na nakukuha ngayon sa media. Maging ang kanya umanong ina ay nag-aalala. Sinabi naman ng talent manager ni Grace na si Arnold Vegafria na malaki ang magbabago sa buhay ng kanyang alaga matapos maugnay sa 51-anyos na binatang pangulo. “Malaking change ang mangyayari sa kanya pero... most important, guard your heart," bilin ni Arnold. Samantala, nag-iwan naman ng panawagan si Grace para sa lahat: “Give us time and space. Sabi ko nga kawawa naman si Presidente." -- FRJimenez, GMA News