Pulitika, papasukin na rin ba ni Onemig Bondoc?
Lumakas ang mga paniwala na baka pasukin na rin ng dating Kapuso matinee idol na si Onemig Bondoc ang pulitika matapos itong magparehistro bilang botante ng Mariveles, Bataan. Nitong Huwebes, pinagkaguluhan ng mga kawani ng Commission on Elections sa Mariveles si Onemig nang magtungo ito sa naturang tanggapan para magparehistro. Ang 34-anyos na si Onemig, Juan Miguel Bondoc sa tunay na buhay, ay isinilang sa Abucay, Bataan. Matapos magpahinga sa showbiz, tinutukan ni Onemig ang negosyo ng kanilang pamilya na construction, real estate at subdivision development. Itinuturing niya ang sarili na “prodigal son" ng Mariveles dahil madalas daw siyang bumisita dito magmula pa noong bata siya. Nakatayo sa barangay Balon Anito sa Mariveles ang kanilang ancestral house kung saan matatanaw ang West Philippine Sea. Nang tanungin kung hudyat na ito ng pagpasok niya sa pulitika, sinabi ng dating matinee idol na maaga pa para magdesisyon at ipagdarasal niya ang naturang bagay. “Kung sakaling gusto ng mga tao, makakaasa silang hindi ko sila bibiguin upang pagandahin ang Bataan sapagka’t atin ito," ayon kay Onemig, dating miyembro ng youth-oriented show ng GMA 7 na T.G.I.F. Idinagdag niya na maaari rin naman siyang tumulong sa kanyang mga kababayan kahit wala siya sa pulitika. Sakaling sumabak sa pulitika si Onemig, posibleng makasama niya sa pulitika ng Bataan ang dalawa pang nagmula sa showbiz na si Dexter Dominguez aka Teri Onor, na kasalukuyang miyembro ng Bataan provincial Board, at si Polo Ravales, na balitang tatakbo rin naman sa lokal na posisyon sa bayan ng Hermosa. - EEsconde/FRJ, GMA News