ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hollywood actor Jeremy Renner, bumisita kay PNoy nang naka-barong at cargo pants


Mistulang “semi-formal" ang attire ng Hollywood actor at The Bourne Legacy star na si Jeremy Renner nang humarap kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa Malacanang nitong Miyerkules. Sa ulat ni GMA News reporter JP Soriano sa primetime news 24 Oras, nakita sa video si Jeremy na suot ng pambansang kasuotan ng mga Pinoy na Barong Tagalog pero cargo pants naman ang pang-ibaba. Kasama ni Jeremy na nag-courtesy call sa Malacanang ang mga producer ng The Bourne Legacy na dito sa Pilipinas kinunan ang malaking bahagi ng pelikula. Nasa Palasyo rin sina Tourism Sec Ramon Jimenez Jr at Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino. Ayon kay Soriano, magiliw na nakikipag-usap sa mga kawani ng Malacanang ang dayuhang aktor habang hinihintay ang pagdating ni Aquino. Nagpasalamat ang grupo ni Jeremy sa suportang ibinigay ng pamahalaan sa shooting ng pelikula na ginawa sa Pilipinas. Hanga umano ang mga dayuhang film-maker sa dedikasyon at husay ng mga manggagawang Pinoy sa industriya ng pelikula. Bilang pasasalamat at souvenir, binigyan ni Jeremy si Aquino ng mga DVD copy ng Bourne series, Town at Hurt Locker. Samantala, binigyan naman ng pangulo si Jeremy ng chocolates na may presidential seal at libro. Naniniwala naman si presidential spokesman Edwin Lacierda na malaki ang maitutulong sa turismo ng Pilipinas ng ginawang shooting ng The Bourne Legacy sa bansa. Nitong Miyerkules, tuloy ang shooting ng pelikula sa paligid ng Philpost at Jones Bridge sa Maynila. -- FRJ, GMA News