Mga anak nina Annabelle Rama at Nadia Montenegro, damay na sa demandahan
Nagsampa muli ng kani-kanilang demanda sina Annabelle Rama at Nadia Montenegro. Pero sa pagkakataong ito, ang target ng kanilang reklamo ay ang anak ng bawat isa – si Ynna Asistio para kay Annabelle, habang si Richard Gutieerez naman ang kinasuhan ni Nadia. Sa Star Bites ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing P10 milyon kasong libelo ang isinampa ni Annabelle laban sa kanyang “talent" na si Ynna. Kasama rin sa kaso ang showbiz editor ng pahayagang Bulgar na si Janice Navida. Ito ay kaugnay sa artikulong lumabas sa nabanggit na pahayagan noong February 1, 2012, kunsaan nabanggit ang umano’t pambubugaw ni Annabelle sa mga alaga nitong artista. “Binubugaw ko raw mga kapatid niya sa Cebu, pinapakilala sa mga matanda sa Cebu at saka pinagsusuot ng mga sexy mga kapatid daw niya," pahayag ni Annabelle sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel. “Alam mo Ynna ako hindi ko pinagsasabihan ibang talents ko, mga kasamahan mo -- sina Bubbles (Paraiso), sina Michelle (Madrigal) -- lahat sila kasi magaling na silang magdamit. Ayos sila paglabas ng bahay nila, ayos na kanilang itsura, ang kanilang pagdadamit ‘pag umatend sila ng party, ayos sila. “Kaya pinagsabihan ko naman kayong magkakapatid dahil ang suot-suot n’yo lagi, damit ng nanay n’yo na niretoke, na hindi naman babagay senyo. Kaya sabi ko senyo ang babata n’yo pa, ang suot n’yo pang madre," paliwanag ni Annabelle. Naghamon pa si Annabelle na pangalanan ang mga tao na sinasabing ibinugaw niya ang kanyang mga alaga sa showbiz. Tinawag pa niyang walang utang na loob si Ynna. Nagpakita naman ng suporta sina Bubbles at Michelle kay Annabelle at iginiit na hindi totoo ang paratang ng pambubugaw. Samantala, tumanggi na muna ang kampo ni Nadia na magsalita tungkol sa kasong libelo hanggat hindi pa raw nila nababasa ang buong demanda. Kaso vs Richard Samantala, nagsampa naman ng hiwalay na harassment at unjust vexation cases si Nadia laban sa anak ni Annabelle na si Richard Gutierrez. Reklamo ni Nadia, pinapadalhan siya ni Richard ng malisyosong text messages na nag-ugat nang magreklamo siya na hindi binanggit ng aktor ang pangalan ni Ynna nang maghost ito sa isang programa. “Sinadya niyang hindi banggitin ang pangalan ni Ynna sa production number. So I filed a case against him dahil after noong Sunday, tinext pa rin niya ako noong Monday. Siya na nga yung nambastos, ako pa yung tinext niya ng kabastusan din at kawalanghiyaan noong Monday. Doon napunong-pu na ‘ko," reklamo ni Nadia. Binalewala naman ni Annabelle ang reklamo ni Nadia sa kanyang anak. “Alam mo kasi ako nagamit na ako ni Nadia, I don’t think magpapagamit anak ko sa kanya... Mag-file ka ng mag-file, laban kami ng laban okey… hanggang saan hindi kita uurungan Nadia," deklara ni Annabelle. Samantala, sinisikap pa ng GMA News na makuha ang reaksiyon ni Richard sa reklamo ni Nadia. – FRJImenez, GMA News