Carla Abellana, Kapuso pa rin!
Nagwakas na ang mga espekulasyon na lilipat ng ibang bakuran si Carla Abellana matapos siyang pumirma muli ng exclusive contract sa GMA Network nitong Miyerkules. Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel, sinabing kasama ni Carla sa pagpirma ng three-year exclusive contract ang kanyang manager na si Arnold Vegafria. Sa panig ng GMA Network, nandoon naman sina Atty Felipe L. Gozon, chairman and CEO; Gilberto R Duavit Jr., president and COO; at Ms Lilibeth Rasonable, officer-in-charge (OIC) ng entertainment division. Inamin ni Carla na may mga alok sa kanya ang ibang network pero mas pinili niyang manatiling Kapuso. “Siyempre ang laki ng utang na loob ko sa GMA. Sila naman talaga ang nagbigay sa’kin ng opportunity para makagawa ako ng sarili kong pangalan sa industriyang ‘to," pahayag ni Carla sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules. Ikinunsidera rin umano ng aktres ang mga taong nakasama at nakatrabaho niya sa GMA – maging ang mga tao sa likod ng kamera – na lubhang napalapit at napamahal na sa kanya. Sa naganap na pirmahan, sinabi ni Duavit na napatunayan na walang katotohanan ang mga hinalang aalis sa bakuran ng mga Kapuso si Carla. Samantala, excited na raw si Carla na simulan ang susunod niyang proyekto kung saan isa siya sa dalawang leading lady ni Richard Gutierrez sa isang primetime soap. - FRjimenez, GMA News