Katrina Halili, nagkwento tungkol sa ipinagbubuntis; iiwan na kaya ang showbiz?
Matapos aminin ni Katrina Halili na tatlong buwan na siyang buntis, isiniwalat na rin ng sexy Kapuso star na ang R&B singer na si Kris Lawrence ang ama ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa exclusive interview ng showbiz host na si Ricky Lo sa StarTalk TX nitong Sabado, sinabi ni Katrina na noong Pebrero niya nalaman na nagdadalang-tao siya. Isang araw din umano niyang inilihim sa sarili ang kanyang sitwasyon bago niya ito ipinaalam kay Kris. Ayon kay Katrina, masaya raw si Kris nang malaman na buntis siya. Bagaman inilarawan noon nina Katrina at Kris na malapit sila sa isaât isa, walang pormal na pag-amin ang dalawa tungkol sa tunay na namamagitan sa kanila. Sa panayam ni Ricky, ipinaabot ni Katrina ang pasasalamat niya kay Kris na laging nakaalalay sa kanya. Iiwan ba ang showbiz? Matapos ang matinding iskandalong nangyari sa kanya bunga ng video scandal, minsan nang nabanggit ni Katrina ang plano nitong iwan na ang showbiz. Kaya naman naitanong ni Ricky sa aktres kung iiwan na nito ang industriya ngayong buntis na siya. Kasama ngayon si Katrina sa primetime soap na My Beloved kung saan âbuntis" ang role na kanyang ginagampanan. âActually nagpaalam po ako dun sa production na sana tanggalin na lang po nila ako kasi para sa akin hindi ko magagampanan yung role na gusto nila," paliwanag ni Katrina. Pero hindi umano siya pinayagan dahil kailangan daw siya sa show. Dahil naipaalam na niya ang kanyang kalagayan, naniniwala si Katrina na maaalagaan siya ng produksiyon. Naniniwala rin ang aktres na masaya ang kanyang mga tunay na fans sa biyayang kanyang dinadala. Walang kasalang magaganap Bagaman buntis na, wala pang balak sina Katrina at Kris na magpakasal. Maging ang ama umano ni Katrina ay nagpahayag na hindi dapat maging dahilan ang kanyang pagbubuntis para i-pressure si Kris na pakasalan siya. Pareho daw nilang desisyon ni Kris na huwag magmadali at paghahandaan muna ang kanilang pagsasama. Samantala, maliban sa pagsakit ng likod, hindi naman daw naging maselan ang paglilihi ni Katrina. Ang pagluluto umano ang nakakahiligang gawin ngayon ng aktres, na umaabot ng tatlong putahe sa isang araw. Iniluluto umano niya kahit ang mga putahe na hindi niya alam kung papaano lutuin. Idinagdag ni Katrina na babae ang nais niyang maging first baby. Matapos manganak sa Manila, plano ng aktres na manatili sa kanyang bayan sa Palawan ng ilang buwan. At ang mensahe ni Katrina sa kanyang baby: âBlessing ka, saka mamahalin kita at gagawin ko lahat para maging maganda ang future mo." -- FRJimenez, GMA News