ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Lawrence, nagsalita na tungkol sa pagbubuntis ni Katrina Halili


Inamin ng Prince of Soul na si Kris Lawrence na panandilian siyang na-shock nang malaman na buntis ang kanyang girlfriend na si Katrina Halili. Alamin din ang pangalan na nais nilang ibigay sa magiging baby nila ng Kapuso sexy star. Sa panayam ni showbiz reporter Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Kris na may 30 katanungan ang pumasok sa isip niya sa loob lamang ng dalawang segundo nang ipaalam sa kanya ni Katrina na buntis ito. Pero pagsapit ng ikatlong segundo, kasiyahan na umano ang naramdaman niya at niyakap si Katrina na tatlong buwan na ang ipinagbubuntis ngayon. Bago malaman na buntis si Katrina, napag-alaman na plano na sana ni Kris na maghanap ng engagement at wedding ring dahil nais na niyang pakasalan ang dalaga. Ngunit dahil sa nabuntis ito, ang prayoridad daw muna ng dalawa ang kanilang magiging baby. Nauna nang sinabi ni Katrina sa isang panayam na napagkasunduan nila ni Kris na huwag munang magpakasal. Maging ang kanya umanong ama ay naniniwala na hindi dapat ma-pressure si Kris na pakasalan siya dahil lamang sa pagbubuntis niya. Ayon naman kay Kris, tuwang-tuwa rin ang kanyang ina nang ipaalam nila ni Katrina na magiging lola na ito. Kung babae ang kanilang magiging anak, sinabi ni Kris na Kristina o Katerence (pinagsamang Kris at Katrina, o Katrina at Lawrence ) ang nais nilang ipangalan sa baby. Habang Lyric naman daw kapag naging baby boy ito. Idinagdag ni Kris na hindi magiging problema kung masunod ang gusto ni Katrina na tumira ng ilang buwan sa Palawan kapag nanganak ito. Ngunit mas nais daw sana niyang manatili ang kanyang mag-ina sa Maynila para lagi niya itong kasama. - FRJimenez, GMA News