Isabelle Daza, ‘killer beauty queen’ ang dating sa cover ng isang magazine
“Deadly" at sexy ang dating ng Kapuso host na si Isabelle Daza sa cover photo ng isang magazine. Sa naturang larawan, may sugat sa katawan si Isabelle at may hawak na butcher knife habang suot ang napakagandang white cut-out dress. Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel, nasa karakter bilang killer beauty queen si Isabelle sa May cover ng Rogue Magazine. Ang photo shoot ay pinamahalaan ng batikang photographer na si Mark Nicdao. Habang ang suot niyang white cut-out dress ay likha ni Martin Bautista. Duguan at sugatan si Isabelle sa larawan. Ang Kapuso model-actress na si Solenn Heussaff ang gumawa ng prosthetic para sa sugat sa may kanang dibdib ni Isabelle. Bahagi ng magandang resulta ng photo shoot ang stylist na si Pam Quiniones, make-up artist na si Robbie Piñera, at hair stylist na si Bren Sales. Dahil sa ganda ng cover photo, marami ang nagpahayag ng paghanga sa konsepto nito at sa kaseksihan ni Isabelle. Matatandaan na nabalot ng kontrobersiya ang photo shoot matapos mapaulat na sumugod doon ang ina ni Isabelle na si Ms Gloria Diaz dahil sa pag-aakalang masyadong sexy ang konsepto ng photo shoot para sa anak. Dahil umano sa ginawa ng 1969 Miss Universe Gloria Diaz ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mag-ina. Bagay na itinanggi naman ng dating beauty queen. Ayon naman kay Isabelle, maayos ang relasyon nilang mag-ina at normal lamang daw na magkaroon sila ng hindi pagkakasunduan. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News